Sa haba na umaabot umano ng hanggang siyam na pulgada at mas mataba pa sa daliri ng tao, kinatatakutan ng mga hiker na makaengkuwentro ng mga higanteng alupihan sa kagubatan ng Negros Occidental dahil na rin sa panganib na maaaring idulot nito sa makakagat.

Sa nakaraang episode ng "Born to be Wild," itinampok ang isang cellphone video ng sagupaan ng isang higanteng centipede at false coral snake sa Camarines Sur.

Mala-"David and Goliath" ang eksena nang magpagulong-gulong ang higanteng alupihan at ahas. Bagaman mas mahaba ang ahas, mas malakas naman daw ang alupihan.

Ayon sa hiker na si Paolo Oliveros, makikita rin ang mga malalaking alupihan sa kabundukan ng Negros. Nocturnal ang mga alupihan o mas aktibo sa gabi, at naninirahan sa ilalim ng mga bato.

Gayunman, bihira na umanong maabot ng mga higanteng alupihan ang kanilang dapat na laki dahil na rin sa pagdami ng banta sa kanila at kanilang mga tirahan.

"Pinababayaan na lang namin talaga 'yan, hindi namin hinahawakan. Takot rin kami," sabi ni Oliveros sa mga nakikitang alupihan sa kanilang mga dinadaanan.

Ngunit sa kanilang paglilibot sa kagubatan ng Negros, hindi agad isang higanteng alupihan ang bumungad sa kanila sa ilalim ng isang bato, kundi isang Tarantula na may matulis, mahaba at makamandag na pangil na panlaban nito sa mas malalaking hayop.

"So far wala pa pong naitatalang namatay sa kagat ng tarantula. Pero magkakaroon siya lamang ng allergic reaction. Ang tarantula ay may venom na ginagamit niya sa pang-immobilize ng kanilang mga pagkain," sabi ni Darrell Acuña, biologist sa University of Santo Tomas - RCNAS.

Sa isa namang puno, isang Dupong o Philippine Pit Viper ang nagpakita.

Mga arboreal o madalas sa mga sanga ng puno naninirahan ang mga Philippine Pit Viper, na cytotoxic o maaaring makasira ng tissue ng tao at posibleng humantong sa pagkamatay dahil sa kamandag nito.

Ngunit sa Pilipinas, wala pang naitalang binawian ng buhay dahil sa pagkakatuklaw ng Philippine Pit Viper.

Kalaunan, nakakita rin si Dr. Nielsen Donato ng isang higanteng alupihan sa mga batuhan, na tila mas mataba pa sa mga daliri, at may habang walong pulgada o kasing-haba ng straw.

Ayon kay Acuña, mainam na pumunta agad sa pinakamalapit na ospital kung sakaling makagat ng alupihan.

"Mas matindi ang kamandag ng centipede. Sa mga kaso kong nakita, nagkakaroon din ng pagsusuka at lagnat," anang eksperto.

"Give respect lang sa mga dinadaanan mo, tingin-tingin lang, tapos 'pag naghanap ka ng mga ganitong hayop, huwag kang basta hahawak," payo ni Doc Nielsen, na labis na ikinatuwa na makakita nang personal ng higanteng alupihan na mayroon ding mahalagang papel na ginagampanan sa kalikasan. --FRJ, GMA Integrated News