Viral ang isang content creator dahil sa pagkain niya ng Buko o Bayuko, na isang uri ng susô na nakukuha niya mula sa mga puno at ginagawa pang adobo sa Sorsogon. Ligtas naman kaya itong kainin?

Sa nakaraang episode ng “Dami Mong Alam, Kuya Kim!” itinampok ang vlogger na si Cecille Escullar, na sadyang paboritong manguha at kumain ng buko, na mas malaki kumpara sa karaniwang susô na madalas makita.

“Dito po talaga ako lumaki sa Sorsogon. Tubong Bikolana po talaga. Matagal ko na pong alam na mayroong buko sa lugar namin at matagal ko na rin po alam na kinakain ito. Kasi 'yung mga manginginom po dito sa amin ay ginagawa po talagang pulutan,” sabi ni Escullar.

Hindi talaga kumakain si Escullar ng susô noong una dahil nakakadiri ang nasa isip niya. Ngunit nang masubukan, natuklasan niyang chewy ito at malambot.

Dating guro si Escullar na naisipang mag-vlog dahil sa kagustuhan na mapaganda ang estado ng daycare center sa kanilang lugar. Hanggang sa kalaunan, naging full-time job na niya ang vlogging at ginawang content ang iba't ibang pagkain at pasyalan sa kanilang probinsya.

Kahit sa gilid ng daan na may katabing tubigan, may mga nadaraanan nang buko sina Escullar habang papunta sila sa gubat.

Paliwanag naman ni Kuya Kim, maraming susô na naglalabasan tuwing umuulan, dahil banta para sa mga snail at slug kapag natutuyot sila. Kaya mahilig ang mga ito sa wet season dahil hindi nila kinakailangan ng maraming enerhiya para maglabas ng mucus o likido.

Nagiging aktibo rin ang mga susô kapag mahalumigmig o humid. Kaya tuwing tag-tuyot o drought season, nagha-hibernate sila at naghihintay ng susunod na tag-ulan.

Magkakaiba naman ang reaksyon ng netizens sa paghuli at pagkain ni Escullar ng susô. Ang iba, nagsasabing lason ito at hindi ligtas kainin.

Ngunit binabalewala na ni Escullar ang mga nagsasabing delikado itong kainin dahil nililinis niya ito nang mabuti, binabanlawan sa tubig, pakukuluan, at saka muling lilinisin bago tuluyang iluto.

Ayon kay Escullar, hindi na niya ito dinadagdagan ng tubig ang mga susô dahil ang sarili may sariling "laway" ang mga buko na magpapakulo sa kanila. Inilalagay din ang mga buko sa tubig na may tawas, o kaya naman ay suka o asin, para maalis ang kanilang laway o mala-slime sa katawan.

Paliwanag ni Kuya Kim, snail mucin ang tawag sa mala-slime na nilalabas ng susô, na nagsisilbi nilang glue kapag umaakyat sa mga puno o pader. Ito rin ang kanilang trail para mahanap ang mga kapwa nila susô.

Kilala ring beauty trend ang snail mucin para sa mga cosmetic at skincare products.

Samantala, pinipisil naman ni Escullar ang matigas na parte ng buko na kung tawagin ay Radula na nagsisilbing dila nila. May libu-libo ring ngipin ang mga susô, ngunit hindi gaya sa ngipin ng tao.

Ayon sa food safety officer na si Russel Ray Teng, mas ligtas kainin ang susô sa probinsya dahil mas malinis ito kumpara sa Maynila na mas polluted.

“In general naman, mas safe talaga ang terrestrial na mga susô natin. Pero doon kasi sa lugar nila, mas kumakain ng mga dahon. Ngunit dito sa Manila, paminsan, madami tayong mga rat at saka nagpo-produce sila ng mga feces. Ngayon, itong mga feces na ito, paminsan kinakain ng mga susô na ito. Kaya itong mga susô na ito, magdadala sila ng tawag natin rat lungworm. So, 'pag nakain ng isang tao ‘yun, talagang magkaka-parasite sa loob natin at magkakaroon posible ng meningitis,” sabi ni Teng, na nagpaalala na kailangang linising mabuti ang kakaining susô. -- FRJ, GMA Integrated News