Binati ng “It’s Showtime” hosts ang "Tawag ng Tanghalan" alumnus na si Sofronio Vasquez sa kaniyang pagkapanalo sa “The Voice USA."
Sa opening segment ng noontime show nitong Miyerkoles, nagbunyi ang host para kay Sofronio, at sinabi ni Ogie Alcasid na, “Your ‘Showtime’ family is so proud of you. Tatak ‘Showtime’ ka.”
Inihayag naman ni Teddy Corpuz na "magandang inspirasyon si Sofronio sa mga ‘TNT’ na sumasali.”
Idinagdag naman ni Kim Chiu na, “Di man dito sa ‘Showtime’ stage, sa ibang stage sila mapapanalo.”
“We love you, Sof!” dugtong ni Karylle.
Taong 2019 nang sumali si Sofronio sa singing contest ng It's Showtime na “Tawag ng Tanghalan,” kung saan naging third runner-up siya.
Sa ulat naman ng PEP.ph, nakasaad na ni-repost ni Vasquez ang komento ng isang netizen patungkol sa naging payo sa kaniya noon ng veteran singer-songwriter na si Rey Valera, na isa mga "hurado" nang sumali siya noon sa TNT.
Nakasaad sa post ng netizen ang throwback video clip ni Rey habang nagbibigay ito ng payo at mensahe kay Vasquez na tila nag-manifest ng magandang future sa kaniyang singing career.
Sa pagkapanalo ni Vasquez sa "The Voice USA," nagawa niyang magtala ng kasaysayan bilang kauna-unahang Asyano at Pinoy na nananalo sa naturang kompetisyon. -- FRJ, GMA Integrated News