Habang nananatiling nakakulong si Neri Naig, lumabas ang karagdagang detalye kaugnay sa mga kasong syndicated estafa at mga paglabag sa Securities Regulation Code na isinampa laban sa aktres.

Sa social media, ibinahagi rin ng kaniyang mister na si Chito Miranda ang isang liham na walang petsa at pirma para kay Neri na nagmula sa isang "Chanda Atienza."

Nakasaad sa sulat ang paghingi ni Chanda ng paumanhin tungkol sa kinakaharap ng usapin ng "Dermacare," lalo na sa kakayahang magbigay "shares" sa mga mamuhunan.

Hiniling sa liham na manatiling neutral si Neri ukol sa isyu.

Giit ni Chito, endorser lang ang kaniyang asawa na si Neri, at ang lahat ng pera ay napunta umano kay Chanda na siya raw may-ari ng Dermacare.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing si Chanda Atienza na mula sa Dermacare-Beyond Skin Care Solutions ang nakapangalan sa advisory na inilabas ng Securities and Exchange Commission (SEC) noong September 2023.

Naghihikayat umano ito sa mga tao na maglagak ng pera bilang puhunan sa kompanya kapalit ng tubo at iba pang benepisyo.

Paliwanag ng SEC, hindi awtorisado ang kompanya na mag-solicit ng investments dahil hindi ito nakarehistro at walang license to sell securities.

Nakasaad sa advisory ng SEC na ang mga salesmen, brokers, dealers, agents, promoters, influencers, at endorsers ng Dermacare ay maaaring makasuhan.

Sa isang post sa Facebook ni Neri noong Setyembre 1, 2023, inihayag niya na hindi na siya konektado sa Dermacare at anumang transaksyon na ginamit ang kaniyang pangalan ay hindi awtorisado o ginawa nang wala ang kaniyang pahintulot.

Sinisikap ng GMA Integrated News na makuhanan ng pahayag si Atienza.

Samantala, ibinalik si Neri sa Pasay City Jail female dormitory matapos na ipagpaliban ang kaniyang arraignment nitong Huwebes, at iniurong sa Enero 9, 2025.

Dahil ito sa inihaing motion to quash ng kampo ni Neri para hilingin sa korte na ibasura ang mga kaso at mapawalang-bisa ang arrest warrant na inilabas laban sa kaniya.

Inatasan ng Pasay Regional Trial Court ang prosekusyon at ang SEC na sagutin ang naturang mosyon ni Neri.

Dahil walang piyansa para sa kasong syndicated estafa--maliban na lang kung papayagan ng korte-- mananatiling nasa piitan si Neri. -- FRJ, GMA Integrated News