Dinarayo ngayon ang isang higanteng "manok" sa Talisay City, Negros Occidental na ang laman-- mga kuwarto na puwedeng tuluyan ng mga namamasyal sa resort. Ang may-ari nito, dating hikahos sa buhay na hindi kayang bumili noon ng manok para may pang-ulam.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nasungkit kamakailan lang ng hotel na hugis manok ang Guinness World Record, na pag-aari ni Ricardo "Cano" Tan.
Ang tinaguriang "Manok ni Cano Gwapo" hotel, may lapad na mahigit 39 talampakan, taas na 115 talampakan, may anim na palapag, at 15 air-conditioned rooms na puwedeng mag-staycation.
Ginawaran ng Guinness World Record bilang "largest building in the shape of a chicken" ang Manok ni Cano Gwapo nitong Oktubre 19.
"I always think out of the box, innovator ako. I want something different. I want something new," sabi ni Tan.
Naisipan ni Tan na gawin ang manok na hotel bilang bagong atraksyon sa kaniyang resort, at dahil kilala ang Negros Occidental sa mga panabong na manok.
"Mahirap siya kasi ang laki ng manok, isama pa 'yung mga weather dito sa taas na parati ulan, bugs, hangin," sabi ng sculptor na si Jessie Sanchez.
Para sa hugis ng manok, idinaan nila ito sa proportioning at gumawa pa sila ng miniature mnok para makita ang eksaktong sukat sa aktuwal na laki ng gusaling manok.
Tumagal ng 15 buwan ang proseso para maitayo ang chicken hotel.
Ang chicken hotel din ang nagsisilbing paalala kay Tan sa simple niyang pinagmulan, dahil lumaki sa barong barong ang kaniyang pamilya.
"Walang masyadong ulam. Nasa heaven ka na niyan eh kung makakain kami ng manok. Ang hirap talaga i-compare 'yung aming buhay. Umiiyak lang ako, 'Bakit sila may TV, may telepono sila, at saka may mga bago silang damit?'" kuwento ni Tan na pang-walo sa 10 magkakapatid.
Para kumita sa murang edad, nagbenta siya ng bitsukoy sa iba't ibang barangay.
"Umiiyak ako niyan. 'Bakit buo ang kanilang pamilya?' Sa amin hirap eh. Ang mga kapatid ko at the very early age, lahat kami nagtatrabaho," sabi ni Tan, na kumikita ng 10 sentimo kada araw.
Iba't ibang pagkakakitaan din ang pinasok ni Tan para makapag-aral ng kolehiyo.
Naranasan ni Tan na magtrabaho sa isang grocery store, maging driver, bodegero, salesman at kolektor.
Nang makapag-ipon, nagtayo si Tan ng kainan. Kalaunan, naisip niya na pasukin ang resort business.
"If you dream on something, it's easy. But to make it a reality, yung pinaka-difficult part. Gusto mo maging successful, kailangan hard work, kailangan mag-isip ka 'yung magawa mo. Huwag kang mag-isip na hindi mo puwede magawa," sabi ni Tan. -- FRJ, GMA Integrated News