Sa napipintong pagbabalik ni Donald Trump sa White House makaraang manalo sa katatapos lang na US presidential elections, ano ang posibleng maging epekto nito sa mga Pilipino, lalo na sa mga ilegal ang pananatili doon?

Sa naging kampanya ni Trump, ipinaalala sa ulat ni JP Soriano sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkoles, na kabilang sa plataporma ni Trump ang paghihigpit sa mga illegal immigrants.

"We gonna have to seal up those borders. We are gonna have to let people come in to our country [but] we want people to come back in, but they have to come in legally. We all gonna start by putting America first," saad ni Trump sa kaniyang talumpati matapos na matanaw na ang panalo sa eleksiyon.

Naniniwala ang isang analyst na isa sa mga unang mararamdaman sa mga pangako ni Trump sa kampanya ay ang paghihigpit sa mga illegal immigrant kapag naupo na siya sa puwesto.

Batay sa pinakahuling bilang ng US Census Bureau na nasilip ng GMA Integrated News Research, nasa mahigit 4.6 milyon ang mga Pilipino sa Amerika noong nakaraang 2023.

Nakasaad naman sa datos ng Department of Homeland Security, na pang-lima ang mga Pilipino sa may pinakamalaking "unauthorized immigrant population" na aabot sa 350,000 noong 2022.

Kaya tiyak umano may mga maaapektuhang Pinoy kapag naghigpit ang US laban sa mga dayuhang illegal ang pananatili sa kanilang bansa.

“Kapag nanalo si Donald Trump magkakaron ng bagong wave of restrictions and new policies that will constrain immigration to the United States even for those who are already there,” paniwala ni Prof. Julio Teehankee, DLSU Political Science and International Studies.

“Magkakaron ng epekto rin sa mga ibang kababayan natin lalo na yung mga gustong mag-migrate sa United States. So mas magiging mahigpit,” dagdag niya.

Isa rin sa mga aabangan sa ilalim ng panibagong Trump presidency ay ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika, tulad ng usapin sa West Philippine Sea.

Ngunit pagtitiyak ni US Ambassador Marykay Carlson na base sa kaniyang karanasan, hindi magbabago ang ugnayan ng Pilipinas at Amerika kahit magkaroon ng pagbabago sa liderato.

“I am extremely confident that US-Philippine relations will remain steadfast friends and ironclad allies as well as partners in prosperity no matters who wins in the elections in the United States,” anang opisyal.

Maging ang ibang eksperto, tiwala rin na walang magbabago sa relasyon ng Pilipinas at US, kabilang sa usapin ng West Philippines Sea.

"Sa kanila nanggaling yung term na 'ironclad.' Nung nagda-doubt tayo, di ba kasi may mga batikos na nanggagaling kay dating pangulong Duterte na hindi maasahan ang Amerika, nanggaling sa gobyernong Trump na ironclad ang pagsasamahan natin," sabi ni Prof. Dindo Manhit, geopolitical analyst.

Kasama rin sa aabangan sa magiging liderato ni Trump ang implikasyon nito sa mga patakarang pang-ekonomiya ng Amerika.

"Ang isa pong binabantayan natin sa eleksyon sa merika ay ang kanilang trade policy declarations. Pangunahin na po dito si Trump, na nagbigay ng deklarasyon na papatawan niya ng matataas na buwis ang mga ini-import ng Amerika papunta sa kanilang bansa at ito ay kaugnay ng kaniyang pangako na, 'make Amerika great again' by bringing jobs back to America," ayon sa ekonomistang si Prof. Emmanuel Leyco.-- FRJ, GMA Integrated News