Sinabi ng dating aktor na si John Wayne Sace na pinagbantaan umano ang buhay niya at ng kaniyang pamilya kaya niya binaril at napatay ang isang lalaki na dati niyang kaibigan sa Pasig City.
“Meron pong banta eh, may banta po sa akin at saka sa pamilya ko. Inikutan na po ko eh, ‘yun na rin po ang last na ikot niya eh, nagsalita rin naman siya eh sa akin eh, 'isang ikot na lang. Isa pa,’ sabi sa akin,” saad ni Sace sa ulat ni Emil Sumangil sa 24 Oras nitong Martes.
“Nararamdaman ko po talaga na mayroon siyang gagawin na hindi maganda,” dagdag ni Sace tungkol sa dati niyang kaibigan.
Ayon kay Police Colonel Hendrix Mangaldan, hepe ng Pasig City Police, “‘Yung motive nito’y old personal grudge… May grave threats sa bawat isa, so ‘yun ang lumalabas na motibo.”
Sa imbestigasyon ng pulisya, dating magkaibigan ang dalawa ngunit nasira ang kanilang samahan dahil sa alitan na lalo pang lumalim kinalaunan.
Sa kuha ng isang CCTV camera, nakuhanan ang paglalakad ng biktimang si Lynell Eugenio sa isang eskinita.
Makalipas lamang ang ilang minuto, narinig na ang mga putok ng baril 7:30 p.m. ng Lunes sa Barangay Sagad, Pasig.
Nagtamo si Eugenio ng apat na tama ng bala at agad namatay sa crime scene.
“Nakita ko ‘yung tao. nakahandusay na siya, wala na pong buhay,” sabi ni Jesus Berecio, tanod ng Barangay Sagad.
“Ihahatid po sana siya ni papa sa BGC, magpapa-service po sana siya. Nagulat na lang po ako, ganu’n po ‘yung nangyari… Manggagalaiti po ko na nasasaktan nang sobr. Sa taong ‘yun, kung may konsensiya ka man, lumabas ka na. Sana makonsensiya ka na kung napapanood mo man ‘to,” sabi ng anak ng biktima.
Inilahad naman ng mga testigo na bago mangyari ang krimen, may napansin na sila ang ikinikilos ng suspek.
“Lasing po siya, tapos po, pulang-pula ‘yung mata, bangag na bangag po 'yung itsura niya… Tapos nagtataka lang po ako, parang hawak po siya ng hawak sa likod,” sabi ng saksi bago ang pamamaril.
Ibinahagi ng Pasig Police sa GMA Integrated News ang CCTV video na kuha ng isang hotel sa Pasig, kung saan nag-check-in si Sace matapos isagawa ang krimen.
Naaresto siya ng mga pulis sa naturang hotel, at nakuha ang baril na ginamit umano sa krimen.
Nagkaroon ng lead ang pulisya sa kinaroroonang hotel ni Sace nang mag-post siya sa kaniyang social media account nang larawan ilang oras pagkalipas ng krimen.
Parehong nasa drug watchlist ng Pasig Police ang biktima at suspek.
Sinampahan na ng kasong murder si Sace.
“There is a premeditated planning, at the shadow of the night, he shot the victim without any defense,” sabi ni Mangaldan.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News