Sa isang lugar sa Tagbina, Surigao del Sur, tahimik na naninirahan ang magkapatid na babae sa iisang bahay kasama ang kani-kanilang mga anak na 14 ang kabuuang bilang. Ang ama ng kanilang mga anak, iisang lalaki lang na pareho nilang minahal.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," ikinuwento ng magkapatid na Rechella at Leneth, na bata pa lang ay malapit at magkasanggang-dikit na talaga sila.
Magkasabay silang naliligo, at laging nakahanda ang nakatatandang si Rechella na ipaglaban ang mas nakababatang si Leneth kapag mayroon nang-away dito.
Ang pagiging sobrang malapit nila sa isa't isa noong mga bata pa, tila nadala nila hanggang sa pagtanda. Dahil kahit nagkaroon na sila ng kaniya-kaniyang buhay may pamilya, magkasama pa rin sa iisang bahay sina Rechella at Leneth.
Ngunit hindi lang sila sa hati sa mga gawain sa bahay, kung hindi hati rin maging sa pagmamahal ng nag-iisang lalaki na ama ng kanilang mga anak-- si Alberto.
Walo ang anak ni Alberto kay Rechella, habang anim naman kay Leneth. Dahil sa dami nila, hindi na sila magkasya sa kanilang bahay at kailangan nang gumamit ng duyan ang ibang anak nila para may matulugan.
Upang walang inggitan, may schedule si Alberto ng pagtabi sa higaan sa magkapatid na tig-tatlong araw.
Sa kabila ng kakaiba nilang sitwasyon, maayos naman daw ang kanilang pagsasama, maging ang mga bata.
Iyon nga lang, sapat lang sa kanilang pagkain sa araw-araw ang kanilang kinikita sa pagkuha ng rubber sa taniman.
Pag-amin ni Rechella, nakaramdam siya nang labis na galit sa kaniyang kapatid na si Leneth at ninais niyang patayin ito nang malaman niya ang pakikipagrelasyon kay Alberto.
Ngunit kinalaunan, nangingibabaw kay Rechella ang pag-unawa sa sitwasyon ng nakababata niyang kapatid hanggang sa mapagkasunduan na nilang magsama-sama sa iisang bahay, kasama si Alberto at ang kanilang mga anak.
Papaano nga ba nagsimula ang masalimuot na sitwasyon sa magkapatid? At ano ang masasabi ng isang psychologist sa ganoong set-up ng pamilya at posibleng epekto sa mga bata? Panoorin sa video ang buong kuwento. -- FRJ, GMA Integrated News