Kung sunog ang bakat ng mga nagtatrabaho sa bukid dahil bilad sa araw, ang 20-anyos na kambal na nagbubungkal din ng lupa sa Daet, Camarines Norte, tisoy na tisoy. Ito ay dahil sa isang Australyano ang kanilang ama pero hindi pa nila nakikita.
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nakatawag ng pansin sa netizens ang kambal na sina Edward at Edwin, at marami rin ang humahanga sa kanilang eskuwelahan dahil sa kanilang kaguwapuhan.
Naging viral kamakailan ang video ng dalawa sa social media nang makita sila ni vlogger sa likod ng Kalingap Rab na nagbubungkal ng lupa.
Napag-alaman na mula sa Davao de Oro ang magkapatid, at nagsimulang magtrabaho sa bukid sa edad sa 11-anyos dahil sa hirap ng kanilang buhay.
"Hanapbuhay namin 'yung saging, rubber, tapos niyog. Ibebenta namin para may pambili ng bigas. 'Pag galing kami sa school diretso kami sa uma namin. Ang baon namin ay pagkain lang na gabi o kamote," sabi ni Edward, mas bata sa kambal.
Tumutulong ang kambal sa pag-aalaga sa taninam ng kanilang kapitbahay para suklian ang kagandahan ng loob nito na tustusan ang kanilang pag-aaral.
"Determinado silang mag-aral na handa silang magsakripisyo, kaya naano ako na tulungan sila," ani Henry Hermocilla, isang pastor.
Bagaman 20-anyos na ang kambal, Grade 12 pa lang ang kanilang pinapasukan dahil natitigil sila sa pag-aaral upang kumayod. Naranasan na rin ng kambal na magtinda ng damit, magtrabaho sa minahan, at pati sa construction.
Ang kanilang kaguwapuhan at maputing balat, nagiging dahilan din para ma-bully ang kambal.
"Binu-bully kami, 'Australianong mahirap. Ba't kayo napadpad dito sa Philippines? 'Di kayo bagay rito.' Australianong mahirap, tagabundok," sabi ni Edward.
"Minsan lang naitatanong ko rin sa sarili ko kung nandito si papa hindi sana ganito ang buhay namin," saad ni Edwin.
Nasa Davao de Oro ang ina ng kambal na si Maribel, kasama ang asawa nito at iba pang mga anak.
Kuwento ni Maribel, 2003 nang makilala niya ang ama ng kambal na si Max, habang nagtatrabaho siya noon sa isang internet shop sa Pampanga.
"Maputi siya, guwapo siya medyo matangkad. Blue eyes, tapos buhok niya blondie 'yung buhok niya. Gusto ko ba daw sumama sa kanya sabi ko OK lang naman," ani Maribel.
Nang mabuntis siya, sinabi niya ito kay Max pero hindi siya pinaniwalaan at pinag-isipan pa siya na iba ang ama.
Kaya sa sama ng kaniyang loob, umalis si Maribel at umuwi ng Mindanao.
Hanggang sa nakilala ni Maribel ang security guard noon na si Eduardo, na inako ang kambal at ibinigay ang kaniyang pangalan. Nakaroon din sila ng anim pang anak.
"Si Papa mapagmahal at maalaga. Hindi kami nakaramdam na iba ang tatay namin," ani Edwin.
Kaagad naman napansin noon ni Edwin at Edward ang kanilang kaibahan sa kanilang mga kapatid dahil na rin sa kanilang kulay ng balat at buhok.
Nang magtanong ang kambal tungkol sa tunay nilang ama, sinabi ni Maribel na mahirap nang malaman kung nasaan ito lalo pa't hindi niya na matandaan ang apelido.
Nagtungo ang KMJS team sa Pampanga upang tumulong para mahanap ng kambal ang kanilang ama. Gayunman, bigo silang makahanap ng ano mang impormasyon.
"Edwin, Edward, hindi naman ako perfect, sana mapatawad n'yo ako. Gusto ko na talaga na magkita sila ng papa nila, hindi ko naman sinasadya 'yung mga nangyayari sa kanila," ani Maribel.
Inihayag ni Edwin na wala silang tampo sa kanilang ina, at maging sa kanilang tunay na ama.
"Wala akong tampo sa nanay ko. Sa totoo lang nagpasalamat ako sa Mama ko kasi nang dahil sa kanya nandito kami," aniya.
Umaasa ang kambal na balang araw ay makikita rin nila ang kanilang dayuhang ama.
"Sorry, Pa, kung hindi ako marunong mag-English. Nami-miss na po kita, tatay. Kahit iniwan mo kami ni Mama, wala akong galit sa'yo kahit konti," sabi ni Edwin.
Dagdag naman ni Edward, "Sa mga nakakilala sa tatay ko, sana matulungan ninyo kami na mahanap ang tatay namin. Kung sino man kaibigan ni Mama dati baka nakilala ninyo si Papa dati. Sana matulungan ninyo po kami na makita namin 'yung Papa namin." —FRJ, GMA Integrated News