Inanunsiyo ni cardiologist Dr. Willie Ong, ang health advocate na tumakbo sa pagka-bise presidente noong Eleksyon 2022, na kasalukuyan niyang nilalabanan ang sakit na kanser.
Nitong Sabado ikinuwento ni Ong, kilala rin bilang "Doc Willie", sa kanyang social media platforms ang kanyang laban sa naturang sakit.
Ayon kay Ong, nakita ng mga doktor ang isang 16 x 13 x 12 centimeter na sarcoma sa kanyang tiyan.
Nagtatago raw ito sa likod ng kanyang puso at sa harap ng kanyang spine.
"Ang bukol na ito, malaking malaki daw. Isa sa pinakamalaki na nakita nila," kuwento ni Ong sa kanyang video na ipinost sa YouTube.
Ni-record ni Ong ang nasabing video mula sa kanyang kuwarto sa isang ospital noong Agosto 29 pa.
Nitong Sabado lang nailabas ang video "because of doc willie's serious and complicated journey through chemotherapy," ayon sa isang post sa kanyang Facebook account.
Ayon sa Mayo Clinic, ang sarcoma ay general term para sa broad group of cancers na nagsisimula sa buto at sa soft or connective tissues.
Kuwento ni Ong, noong Abril 2023 ay nakaramdam siya ng discomfort habang nagsasagawa ng medical missions. Mayroon siyang fatigue at hirap sa paghinga at paglunok. Akala niya ay dulot lang ito ng aging. Siya ay 59 years old noon, at naging 60 years old noong Oktubre 2023.
Nag-umpisa siyang makaramdam noong Oktubre ng back pain na umaabot hanggang sa upper part ng kanyang spine. Dahil dito, hirap siyang matulog nang flat sa kama.
Nitong Agosto lamang, mas lumala ang kanyang back pains.
"Worst pain of my life. 10 out of 10. Iiyak ka. Buong gabi walang tulog (You will cry out in pain. The whole night you won't be able to sleep)," kuwento ni Ong.
Na-confine siya sa isang ospital abroad at na-diagnose ng sarcoma. Itong sarcoma raw ay "very rare, aggressive, very big."
Sa kabila ng kanyang health challenge, nananatiling positibo sa pananaw si Ong.
"Malungkot ako? Hindi. Suwerte nga ako may asawa ako nagbabantay. Suwerte ako may [mga] anak ako... binabantayan ako. I'm so blessed," aniya.
"Is this negative or positive? Negative, may bukol. Pero positive, naging close sa akin 'yung dalawang anak ko, na dati may barrier kami. Pamilya ko naging close," dagdag niya.
Regular na nagbibigay ng health at wellness tips si Ong sa kanyang 9.7 million YouTube subscribers at 17 million Facebook followers, na siyang bilang habang isinusulat ito.
Noong 2022 ay tumakbo siya sa pagkabise-presidente at running mate ni dating Manila Mayor Isko Moreno sa ilalim ng Aksyon Demokratiko party.
Nagsilbi rin si Ong bilang consultant ng Department of Health mula 2010 hanggang 2014.
Nagtapos siya ng medisina sa De La Salle University College of Medicine noong 1992 at ng kanyang Master in Public Health degree mula sa University of the Philippines Manila noong 2002. —KG, GMA Integrated News