Takaw-pansin sa kanilang lugar ang isang lalaking dalawang-taong-gulang dahil sa kulay pula nitong buhok. Ang kaniyang mga magulang, parehong itim ang buhok at walang lahing dayuhan. Ano nga ba ang sanhi ng kakaibang kulay ng buhok ng bata na pinagmumulan ng kung ano-anong paniniwala at mga espekulasyon?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing malaki ang pagtataka ng mag-asawang sina Kate at Jayson Jangca, mula sa Bacolod, Lanao del Norte, dahil ang kanilang panganay na anak na si JK, parang kawad umano na kulay tanso ang buhok.
Pinabulaanan ng mag-asawa na kinulayan nila ang buhok ni JK para lang sa "clout" o para mapag-usapan. Gayunman, si JK lang ang pula ang buhok sa dalawa nilang anak.
Ayon kay Kate, manipis umano ang buhok ni JK noong isilang niya. Pagdating ng tatlong buwan, dito na niya napansing na nagiging kulay pula na ang buhok ng anak.
"Na-amaze po kasi sila sa buhok. Minsan nga may nagsabi sa akin na, 'Sa akin na lang 'yung baby mo kasi ang unique,'" kuwento ni Kate.
"Wala kaming lahi na foreigner," depensa naman ni Jayson.
Bukod sa kaniyang buhok, kulay pula rin ang kilay ni JK.
Dahil dito, hindi maiwasan ng kanilang mga kapitbahay na magkaroon ng iba't ibang mga teorya. Gaya nang baka naipalit si JK sa isang foreigner na sanggol dahil hindi niya kamukha ang kaniyang mga magulang.
"Hindi po na-switch 'yung baby ko sa ibang baby kasi roon lang po ako nanganak sa center. Yung time na 'yun, ako lang po 'yung nanganak," depensa ni Kate.
Kaya naman palaisipan para kina Kate at Jayson ang natatanging kulay ng buhok ni JK.
"Noong hindi pa ako buntis, mahilig po din ako sa anime. Hanamichi Sakuragi," sabi ni Kate.
Naisip din ni Kate kung may kinalaman ito sa kaniyang pinaglihian noong ipinagbubuntis niya si JK.
"'Yung asawa ng kapatid ng mister ko, may tanim ng papaya. Halos inuulam ko po 'yun, rare po siya na papaya. Ang kulay po ng laman niya is mapula po. 'Yung balat niya po is yellow," sabi ni Kate.
Ang pamilya nina Kate at Jayson, itinuturing "blessing" si JK.
Lugi na ang koprahan ng tatay ni Kate na si Anecio Jangca, pero muli umanong sumigla mula nang isilang si JK.
"Marami-rami ang customer ngayon kaysa mga nagdaang buwan," sabi ni Lolo Anecio.
Ang kapitbahay nilang si Pedro Clapano na suki ng mga sabungan, itinuturing din si JK na "lucky charm."
"Pumupunta ako sa area nila at tinitingnan 'yung bata. 'Pag nanunugal ako, nananalo ako. Ang napapanalunan ko ay P1,000, P1,500, o P2,000," sabi ng kapitbahay nilang si Pedro.
Ngunit ang pagiging suwerte umano ni JK, may kapalit din.
"Tuwing may naa-amaze sa kaniyang tao, nagkakasakit siya. Puwera usog," sabi ni Kate.
Dahil dito, ayaw na nilang ilabas ng bahay si JK hangga't maaari.
Pinakaiingat-ingatan din ng mag-asawa ang ginupit na pulang buhok ni JK, na hindi makuha ng iba.
"Kasi kapag nakuha raw ng iba masuwerte raw 'yon. Pero 'yung baby po 'yung magsa-suffer," sabi ni Kate.
Nababahala na rin ang mag-asawa para sa kaligtasan ng kanilang anak.
"Dito sa amin, may nangunguha ng bata na iba ang hitsura," sabi ni Jayson.
Ikinasasakit ng damdamin ni Kate ang mga panghuhusgang iba umano ang ama ni JK.
"Wala po akong nakarelasyon na foreigner. Since 2017 po, siya lang po talaga 'yung naging siyota ko," sabi ni Kate.
"Wala talaga akong duda kay Kate kasi nu'ng mag-jowa kami hindi siya gumagala. Nasa bahay lang siya at sa amin," sabi ni Jayson.
Mas ikinababahala naman ng mag-asawa ang kondisyon ng kanilang anak nang mapansin nilang hirap maglakad si JK.
Tunghayan sa KMJS kung ano nga ba ang posibleng sanhi ng kondisyon ni JK. At alamin din kung may katotohanan na maituturing na "lucky charm" o "suwerte" ang kaniyang pulang buhok. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News