Dalawang miyembro ng lupong tagapamayapa sa isang barangay sa Iligan City ang inaresto ng mga pulis matapos magreklamo ang mga masahista sa isang massage clinic na humirit umano ang mga suspek ng "extra service."
Sa ulat ni Cyril Chaves sa GMA Regional TV One Mindanao nitong Huwebes, sinabing nagreport sa pulisya ang mga kawani ng massage clinic kaugnay sa ginawa ng dalawang suspek na hinipuan pa sa maselang bahagi ng katawan ang isa sa mga masahistang babae.
Ayon kay Cogon Police Station Chief Police Captain Adbulcahar Armama, kaagad na nagtungo ang mga pulis sa massage clinic at inaresto ang dalawang lalaki na pareho umanong nakainom ng alak.
Sinusubukan pang makuhanan ng pahayag ang dalawang suspek na nakadetine sa himpilan ng pulisya, ayon sa ulat.
Sasampahan sila ng reklamong acts of lasciviousness at unjust vexation.
Payo naman ni Armama sa mga kalalakihan, iwasan nang pumunta sa mga katulad na lugar kung nakainom na dahil may ibang posibleng pumasok sa isip.-- FRJ, GMA Integrated News