Nahaharap sa paglilitis ang isang 71-anyos na mister at 50 pang lalaki sa France dahil sa pagdroga at panghahalay sa isang babae sa loob ng halos isang dekada. Ang biktima, walang kamalay-malay sa ginagawa sa kaniya ng asawa sa loob mismo ng kanilang tahanan.
Sa ulat ng Reuters, sinabi ng prosekusyon na iniaalok ng mister ang kaniyang asawa sa ibang lalaki sa website para makatalik at mai-video pa.
Umabot sa 50 lalaki ang nakasama bilang akusado sa krimen ng panggagahasa na nangyayari umano sa bahay ng mag-asawa, kapag wala nang malay ang biktima matapos gamitan ng mister ng droga o gamot.
Kapag napatunayan ng korte na nagkasala ang mga akusado, maaari silang makulong ng hanggang 20 taon.
Nalaman lang umano ng biktima na mula sa bayan ng Mazan, ang nangyari sa kaniya nang sabihin ito ng mga pulis, ayon sa kaniyang abogado.
"She knew nothing of what was inflicted on her. She had no memory of the rapes she suffered," sabi ni Atty. Antoine Camus sa France Bleu radio.
Ayon sa French media, kabilang ang Le Monde, aksidenteng nabisto ng mga pulis ang ginagawa ng mister sa kaniyang asawa nang magreklamo ang ilang babae na bini-videohan sila nito sa ilalim ng kanilang palda sa isang supermarket.
Nang arestuhin at suriin ang cellphone ng suspek, nakita ang mga larawan at video sa ginagawang pang-aabuso ng mga lalaki sa kaniyang walang malay na misis.
Inihayag din sa mga ulat na ilan sa mga lalaki ang umamin sa kasalanan. Habang ang iba, inakala umano na nagtutulog-tulugan lang ang ginang.
Sa gagawing paglilitis [na karaniwang closed door na ginagawa sa mga violent sex crime na kaso], ipakikita umano ang mga video footage sa nangyaring panghahalay na magiging "terrible ordeal" para sa biktima, ayon kay Camus.
Dagdag ni Camus, nais sana ng biktima na 72-anyos na ngayon, na buksan sa publiko ang paglilitis para mabigyan ng kaalaman ang mga tao tungkol sa pang-aabuso at sa gamot na nagiging dahilan para mawalan ng malay.
Inihayag din ni Atty. Stephane Babonneau, na abogado rin ng biktima, sa French media na nais ng kaniyang kliyente na ipakita na "shame must change sides".
Sinabi naman sa French media ni Atty. Beatrice Zavarro, abogado ng akusadong mister, na umamin ito sa ginawang kasalanan sa kaniyang asawa. — FRJ, GMA Integrated News