Inihayag ni Rayver Cruz na nahulog ang loob niya kay Julie San Jose na dati niyang best friend, na girl friend na niya ngayon.

Sa "Fast Talk with Boy Abunda" nitong Martes, ikinuwento ni Rayver kung paano siya umamin ng damdamin kay Julie hanggang magkausap sila phone.

"Very sweet po kasi talaga si Julie. Naramdaman ko lang 'yun na, siyempre noong sinabi ko na...'Parang nagkaka-crush ako sa best friend ko,'" kuwento ni Rayver kay Tito Boy.

"Noong sinabi ko 'yon, parang nagulat din siya..." pagpapatuloy niya. "Eh siya 'yung best friend ko eh."

Natatawang sabi pa ni Rayver, "Hindi pa siya masyadong nakasagot pero parang naramdaman ko sa paghinga niya, sa phone na parang kinilig din siya."

Unang nagkatrabaho sina Rayver at Julie sa Kapuso variety show na "Studio 7," hanggang sa maging co-hosts sila ng "The Clash," at magsunod-sunod na ang mga proyekto nilang magkakasama.

Nauna nang inilahad ni Rayver na napag-uusapan nila ni Julie ang kasal.

Sa nasabi ring panayam, batid ni Rayver na may mga fan si Julie Anne San na ayaw sa kaniya, at nakatatanggap siya ng hindi magandang komento.

"May mga makikita pa rin ako like sa social media na talagang ina-attack pa rin ako or bina-bash, pero hindi ko na lang po pinapansin," sabi ng aktor. "OK lang din naman kasi wala, Tito Boy, hindi na natin mako-control 'yun eh."

Nagpapalamat si Rayver sa mga fan ng actress-singer na sumusuporta sa kanilang relasyon.

"'Yung mga core group ng JAmantes, sila mismo 'yung nagme-message sa 'kin na natutuwa ako. Thank you kasi sila 'yung nagme-message na parang nirere-assure nila ako na, 'Ah, hindi 'yan part ng parang core group namin kasi kami, happy kami. Mahal namin si Julie. Kung sino 'yung mahal ni Julie, mahal namin,'" kuwento niya.

Muling magbabalik sina Julie Anne at Rayver bilang hosts ng bagong season ng "The Clash."

Napapanood din si Rayver sa GMA Prime series na "Asawa ng Asawa Ko,"  habang kabilang si Julie Anne sa mga coach sa upcoming singing competition na "The Voice Kids Philippines."-- FRJ, GMA Integrated News