(Una sa dalawang bahagi) Bago matapos ang paggunita sa Buwan ng Wika, tunghayan kung paano nga ba ang proseso ng pagbuo ng spoken word poetry, at paano ito nakatutulong upang palayain ang kalooban ng tao at sa pagsusulong ng wikang Filipino?
Nananatiling buhay sa bansa ang sining ng spoken word poetry na puno ng damdamin at nag-uudyok ng kaisipan at may tugma sa mga taludtod na inihahayag nang pasalita. Napanonood sa mga tanghalan, coffee shop at maging sa social media, sinasalamin nito ang malikhaing pagbuo ng isang makata sa kaniyang piyesa, at ng kaniyang galing sa pagtula.
Isa sa mga patuloy na nagsusulong ng sining ng spoken word poetry ang organisasyon at art collective na Titik: Poetry, na binuo ni John Verlin Santos noong 2015.
Pagsusulat mula pa pagkabata
Bago pa man niya madiskubre ang spoken word poetry, nahilig na si Santos sa pagsusulat at sumali sa campus journalism kahit noong grade school pa lamang.
Pagdating ng high school, mas nahilig pa siya sa pagsusulat ng mga tula sa Ingles at katagalan, minahal niya na rin ang pagsusulat sa Filipino. Ilan sa kaniyang mga sinusulat ang mga sanaysay, script at play o dula.
“Para siyang food for the soul. May ganu’n siyang kilig. Hindi mo kailangan masyadong magbasa nang mahaba… para sa akin ang poetry, very personal kasi para sa akin ang tula, mapagpalaya. Ang tula mapagpahilom,” sabi ni Santos.
“Kung tatanungin ako sa kung paano siya? Ang pinakamadaling paraan para masimulan siya, kailangan mo lang talaga matuto na magkuwento, ‘yun lang ‘yung puhunan doon,” dagdag niya.
Binanggit ni Santos ang mga kataga ng guro, manunulat at public speaker na si Melissa Kovacs na, “When we look at poetry less as a form and more of a concept, we can see the poetic all around us.”
“Kahit sa mga pinakasimpleng bagay sa paligid natin may poetry doon eh,” sabi pa niya.
Pagdating ng kolehiyo, nadala ni Santos ang pagsusulat at pagsasalaysay ng tula.
“Kasi, bago pa sumikat si Juan Miguel Severo, ginagawa ko na talaga siya. Hindi ko lang alam na ‘yon pala ‘yung tawag doon, ‘yung term na spoken word poetry,” kuwento niya.
Pagbabalik-tanaw ni Santos, ilang mga personalidad noon pa ang nasa larangan na ng spoken word poetry, tulad nina Lourd de Veyra, Kooky Tuason, Vim Nadera at Michael Coroza, at mga grupong gaya ng LIRA.
Ngunit taong 2015 nang umusbong o mas nakilala pa ang eksena ng spoken word poetry, sa tulong na rin ng social media kung saan madali nang nagba-viral ang mga content. Naitatag din ang iba’t ibang grupo na tumatangkilik nito gaya ng Words Anonymous, White Wall Poetry at iba pa.
Isa sa mga binanggit ni Santos na naging tanyag sa larangan ng spoken word poetry si Juan Miguel Severo, dahil sa husay nito na kabisado niya ang kaniyang mga piyesa.
Taong 2015 din nang mapanood niya ang mga pagtatanghal ni Severo, na idinadaos sa Sev's Cafe sa Maynila, na pagmamay-ari ng GMA journalist na si Howie Severino.
“Nakapunta ako roon once, as in very sagasa lang. Pumunta ako doon, nakapanood ako, ah, so may ganito palang lugar. Eh, taga-Cavite ako,” kuwento niya.
Dinala ang spoken poetry sa kaniyang lugar
Sa pagkadiskubre niya sa Sev’s Cafe, na naging tahanan na rin ng poetry slams (kompetisyon sa pagbabasa o pagtatanghal ng tula), open mic, komedya, pelikula, at pagtatanghal ng mga artist, dito nakatagpo si Santos ng bagong pamilya.
“Gusto ko lang makinig, gusto ko lang mag-perform. Nakahanap ako ng mga kabaro ko. Ang gusto ko lang din naman, makapag-perform. So, ang nangyari, dahil sa mahirap nga lang, sabi ko, ‘Bakit kaya hindi ko na lang dalhin sa Cavite ‘yung eksena? Bakit hindi ko dalhin sa Cavite ‘yung spoken word poetry?” sabi niya.
Kahit na isang simpleng estudyante lamang, inorganisa ni Santos ang isang spoken word poetry event sa isang bar noong Mayo 2015 sa kanilang lugar sa Bacoor, Cavite.
“Ang gusto ko lang noon, ay ‘yung intensyon ko na ma-i-perform ko ‘yung mga naisulat ko, tapos, okay na ako roon. Pagkatapos doon, okay na. Kahit ‘di ko na siya gawin ulit. Ang tawag nu’ng unang event na ‘yun, ang title nu’n ay ‘Titik: Poetry, and Open Mic,’ ‘yun ang pangalan nu’ng event,” sabi ni Santos.
Dito nakita ni Santos ang kapangyarihan ng tula at ang pagtatanghal nito na magpaalab ng puso at damdamin ng mga tao.
“Tapos, after nu’n, nag-perform ‘yung mga tao. After ng event, sabi ng mga um-attend, ‘Kailan po ‘yung susunod, at paano po sumali?’ Doon ako nagkaroon ng ideya na, ah, okay, puwede pala siyang masundan at puwede pala siyang maging grupo,” sabi pa niya.
Fourth year college si Santos nang maitatag niya ang Titik Poetry, na nagsilbing daan para sa mga makata at iba pang artist na ipakita ang kanilang pagkahumaling sa sining.
Bukod dito, nagsisilbi ring isang uri ng “journal” ang spoken word poetry para sa mental na pangkalusugan.
“Puwede siya maging form ng journal lalo na sa era na ang daming depressed o inaatake ng anxiety o sa all about mental health ang laking bagay ng poetry maging doon mo maisalin ‘yung mga nararamdaman mo,” ayon kay Santos.
Siyam na taon na ngayong isinasagawa at ipinagpapatuloy ng Titik Poetry ang sining ng spoken word poetry.
“As for me, mahabang panahon na ‘yun para, para sa isang eksena na laging kinukuwestiyon kung may pera ba diyan o wala. Malaking bagay para sa amin na mag-stay nang ganito katagal sa eksena,” ani Santos.
Sining na nakapagpapalaya
Nadiskubre ni Santos ang mas malawak pang kapangyarihan ng spoken word poetry sa pagpapalaya nang magsagawa sila noon ng peace missions sa Mindanao.
Matatandaang taong 2017 nang maganap ang Marawi siege, na marami ang naging biktima ng giyera sa pagitan ng gobyerno at ng Maute group at paksiyon ng Abu Sayyaf sa pangunguna ni Isnilon Hapilon.
Kabilang sa mga tinuruan ni Santos ng paglikha ng tula ang mga biktima ng giyera gaya ng mga batang Maranao, mga youth leader at mga estudyante, at mga “returnee” o mga teroristang nagbabalik sa lipunan.
“‘Yung mga bata kasi, ‘yung mga chikiting wala masyadong isusulat ‘yan kasi ang buhay niyan school at saka bahay. Mahal nila ang magulang, ‘mahal ko si nanay, mahal ko si tatay,’” ani Santos. “Mga youth leaders puro mga pag-ibig ‘yan kasi presko pa sa kanila ang magmahal.”
Patuloy pa niya, “Sa returnees, ‘yung experience ko, hindi mo kasi sila puwedeng tanungin bakit sila napunta sa ganoong buhay. Pero ‘pag ipinasulat mo sila, sila ang kusang magkukuwento sa ‘yo eh.”
“Sa BJMP, sa mga mga PDL, sobrang excited sila hindi ka mahihirapang mag-facilitate ng mga workshop sa mga PDL kasi ang dami nila gusto kong ikuwento. Ganoon sila ka exciting eh,” dagdag pa ni Santos.
Para sa kaniya, very inspiring ang naturang karanasan kaya naging mas malalim pa ang pagsusulat niya ng tula.
"Kasi hindi lang ako ‘yung nababago nito kundi ‘yung mga tao natuturuan ko rin,” sabi ni Santos.
Kahalagahan ng tula sa wikang Filipino
Idiniin ng Komisyon sa Wikang Filipino ang kahalagahan ng pagtula sa pagsulong ng wikang Filipino.
“Dahil ang pagtula mismo ay isang pagpapaangat sa paggamit ng wika. Makikita sa ating mga tula ang iba’t ibang posibilidad para sa wikang Filipino," ayon kay Roy Rene Cagalingan, Senior Language Researcher sa Sangay ng Literatura at Araling Kultural ng KWF.
"Pangunahing kasangkapan ng makata ang wika sa pagtula kaya matutungyahan rito ang iba’t ibang taktika niya at maaaring tahakin rin ng ating wika. Halimbawa: ang paglalaro sa sintaks, pagbanat sa mga kahulugan ng salita, negosasyon sa iba pang mga wika, at kung ano-ano pa,” paliwanag niya.
“Dagdag pa, pinayayaman din ng ating mga makata sa Filipino ang ating wika lalo na kung may iba pa silang katutubong wika. Paano? Isinasangkap kasi nila ang kanilang mga salita, danas, at karunungan sa ating wikang pambansa at dahil diyan mas nagiging Filipino pa ang Filipino,” pagpapatuloy ni Cagalingan.
Sinabi ni Cagalingan na isang uri ng intelektuwalisasyon sa Filipino ang paggamit ng haraya o imagination na matatagpuan sa tula at spoken word poetry, kung kaya mahalaga ang mga ganitong malikhaing pag-aambag sa pag-unlad ng wika.
Ipinunto rin ni Cagalingan na ang mga pagpupunyagi ng mga makata at spoken word artist sa ating mga katutubong wika ay may kontribusyon rin sa pag-unlad at pagpapasigla ng ating mga katutubong wika at wikang Filipino.
Inihayag ng KWF ang pagsuporta nito sa sining ng spoken word poetry sa bansa.
“Magtuloy lámang sa pag-angkin ng mga espasyo. Mainam ang ginagawang pagbabalik ng publikong katangian ng tula na nangyayari sa mga pagtatanghal sa kapihan, bar, plaza, paaralan, teatro, at iba pang espasyo sa buong bansa. Inihahandog natin sa madla ang hiwaga ng tula. At siyempre, may kapangyarihan din na maabot pa ang mas nakararami sa social media. Espasyo itong patuloy nating nililinang para sa tula, spoken word, at anumang malikhaing gawain,” saad nito sa isang mensahe sa GMA News Online.
Hinikayat ng KWF ang mga makata at artist na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na mga state universities at colleges (SUCs) kung saan may higit 40 na mga Sentro ng Wika at Kultura (SWK) na nagtataguyod ng Filipino at mga katutubong wika at kultura sa buong bansa.
Ang SWK ang nangunguna sa pangangasiwa ng mga programa tuwing Buwan ng Panitikan sa Abril at Buwan ng Wika sa Agosto.
Ayon pa kay Cagalingan, maaari ding mag-organisa ang mga makata at mag-apply sa grant na ibinibigay ng Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) lalo na tuwing Buwan ng Panitikan para sa suporta.
Ipinagdiriwang naman ang Pambansang Araw ng Pagtula tuwing Nobyembre 22 na itinaon sa kaarawan ng dakilang makata at makabayan na si Jose Corazon de Jesus.
Sa susunod, kumusta naman kaya ang pagtanggap ng mga tao sa sining ng spoken word poetry? -- FRJ, GMA Integrated News