Napilitang tumigil sa biyahe ang isang tren matapos mamataan ng driver nito ang isang lalaking mahimbing na natutulog sa riles na kaniyang dadaanan sa Uttar Pradesh, India.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, sinabing patungo sana ang tren sa Pratapgarh, nang mamataan ang lalaki sa riles sa Mau Aimma railway crossing sa siyudad ng Prayagraj.
Ilang metro mula sa tinigilan ng tren, namataan ng driver na nakapatong ang ulo ng lalaki sa mismong riles dinadaanan ng gulong ng tren.
May payong pa ang lalaki na tila walang pakialam sa peligrong mangyayari sa kaniya.
Sa kabutihang palad, agad nakita ng driver ng tren ang natutulog na lalaki sa riles at naiwasan ang malagim na trahediya.
Ang train driver na rin ang siyang gumising sa lalaki para makadaan na ang tren.
“We are glad that we spotted him in time and hit the emergency brake immediately because if not, he might have died,” sabi ng railway worker.
Samantala, minalas naman ang isang lalaking natutulog din sa may riles ng tren sa Michigan, USA, nang masagasaan siya ng freight train.
Madilim noon at hindi siya nakita ng driver nang mangyari ang insidente.
Mabuti na lang, mabagal ang takbo ng tren at nakapagpreno ang driver matapos ang impact.
Nagtamo ng grabeng pinsala ang kamay ng biktima, pero nakaligtas siya at walang ibang major injury.
“Due to the patient’s location combined with strength of the metal of this part of the locomotive, extrication efforts were incredibly challenging. At the 110-minute mark, extrication was successful,” ayon sa City of Ann Arbor Fire Department.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News