Nagmistulang graduation ang kasal ng isang bride at groom na parehong mga OFW, dahil sa haba ng pila ng kanilang mga abay at flower girls sa Quezon.
Sa For Your Page ng GMA Public Affairs, ipinakilala ang bagong kasal na sina Glenn Valeriano at Miriam Villareal.
Ayon kay Villareal, mayroon silang 34 na abay na matatanda, habang 30 naman ang flower girls.
“Pinlano namin ‘yun na 34 ang magiging abay namin dahil that day, ‘yung July 14 ay eksaktong 34 years old ako. Dahil nga marami akong pinsan na babae kaya gusto ko lahat kasama,” sabi ni Villareal.
“Noong una, siyempre ang dami, pero, ayos lang ‘yun dahil halos lahat naman mga pinsan,” sabi naman ni Valeriano.
“Alam niya kasing marami kaming pamilya. Dahil ang gusto talaga namin sa wedding namin, kahit simple, basta kumpleto, na nandoon lahat ng family namin, lahat ng nagmamahal sa amin,” paliwanag ni Villareal.
Sa kabila ng haba ng pila, hindi pa rin ito “complete attendance” dahil may mga kaanak pa silang hindi nakadalo sa kanilang kasal.
Pag-amin ng mag-asawa, hindi madali ang mag-organisa ng isang kasal na mala-graduation ang pila.
“Pinakamahirap ‘yung pagbibigay namin ng susuotin nila. ‘Yung iba malalayo ‘yung bahay nila, talagang pinuntahan pa namin isa-isa para mabigay sa kanila,” kuwento ni Villareal.
“Siyempre magastos kaso nga lang ang pera, nahahanap naman. Pero ‘yung moment, hindi ‘yun mapapalitan,” dagdag ng bride.
At dahil sa haba ng pila, tumagal din ang kanilang kasal.
“Hindi mo na rin maramdaman na matagal pala kasi masaya naman,” sabi ni Valeriano.
Ikinatuwa naman ng mga kaanak nina Villareal na nakasama at naimbitahan sila sa kasal.
Nagsilbi na ring reunion sa kanilang pamilya at mga kakilala ang kasal nina Villareal at Valeriano, na parehong mga OFW.
“Naging factor din talaga na gusto rin siyempre nila kaming makasama dahil minsan lang din kami umuwi,” sabi ni Villareal.
Tila isang mahabang pasikut-sikot na mahabang prusisyon ang pagmamahalan nina Villareal at Valeriano, na nagkakilala dahil sa co-teacher ng kapatid ni Villareal, na guro naman ni Valeriano sa elementarya.
“Before pandemic, 2019, pinag-chat kami. Dahil nga pareho kaming nagbabarko, ako sa cruise ship, siya sa cargo. Noong pandemic, doon kami nagkita. “Mahirap pero okay din naman dahil ngayon may internet na,” sabi ni Villareal.
“Mabilis na ang communication namin kahit magkalayo kayo, every day kayong nagkikita pa rin,” sabi ni Valeriano.
Tinitiyak ng mag-asawa na sabay silang nagbabakasyon.
“Siyempre alam na namin ‘yung reality ng trabaho namin. Ganu’n talaga ‘yung nature ng trabaho namin kaya talagang dapat mag-sacrifice,” sabi ni Villareal.-- FRJ, GMA Integrated News