Sa episode ng "Fast Talk with Boy Abunda” nitong Biyernes, ibinahagi ni Angeli Khang ang naranasan nilang magkapatid na pananakit at pagmamaltrato mula sa kanilang ama na Korean na humantong sa pagsasampa ng kaso ng kanilang ina laban sa kanilang ama.
Ayon kay Angeli, isang military officer ang kaniyang ama sa Amerika na nakabase noong sa Saipan, na teritoryo ng US.
Pitong-taong-gulang umano siya nang lumipat sila sa Saipan (mula sa Pilipinas) ng kaniyang nakatatandang kapatid na lalaki.
Ayon sa aktres, may pagkakataon na hinambalos ng kahoy ng kaniyang ama ang kaniyang kuya.
“One time, merong dos por dos, ‘cause he owns a construction company there. May nakita siyang dos por dos, nung nakita niya ‘yon, sinaktan niya agad ‘yung kuya ko. Pinalo sa likod. And hindi pula ang lumabas sa likod ng kuya ko, color purple na,” kuwento ni Angeli.
Ang pananakit ay nangyari dahil hindi lang umano masagot ng kaniyang kuya ang isang mathematical equation.
Kinalaunan, tumakas umano ang kaniyang kuya at bumalik sa Pilipinas sa piling ng kanilang ina.
“Hindi ko inaamin sa dad ko na alam ko na umuwi si kuya,” saad niya. “Gusto akong paaminin ni daddy. Ang way niya sa ‘kin, bigla niya akong nginudngod sa hugasan ng mga plato. Nginudngod niya ako doon at one week niya akong hindi pinakain.”
May isang linggo umano na prutas na pinulot niya sa kanilang bakuran ang kaniyang kinakain.
Naalala rin ni Angeli na pumapasok siya sa eskuwelahan na may mga pasa.
“I actually thought that was normal [parenting], na kapag nagkamali ka, normal lang na saktan ka ng tatay mo, ng parents mo. But hindi ko na-realize na sobra-sobra na pala,” patuloy niya. “Ang lagi lang sa ‘kin sinasabi ni daddy to comfort me, ‘I want the best of you.’”
Tumagal umano ng tatlo hanggang limang taon ang naturang sitwasyon hanggang sa may kaklase siya na nagsumbong sa kanilang guro.
“When my dad knew about that, the day after, umuwi na ako ng Pilipinas. At dun na nalaman ni mama lahat ng ginagawa sa ‘kin ni dad,” ayon kay Angeli na sinamahan umano siya ng ama sa pag-uwi.
Kinausap pa umano ng kaniyang ama ang kaniyang ina na pag-aaralin siya at susuportahan. Pero nang malaman ang pananakit na ginawa sa kaniya, nagsampa ng kaso ang kaniyang ina laban sa kaniyang ama.
“Pero nung ‘pag pasok ng mom ko, nakita niya kung gaano ako kalantay, walang buhay. And nung nalaman ng mom ko, finile-an niya agad ng case ‘yung dad ko,” sabi ni Angeli.
“Alam ng mom ko kung gaano ka-strict, ka-military disciplined si daddy, but she never knew na gaganunin din ako ni daddy kasi baby pa lang ako, ako ‘yung pinaka-favorite ni daddy. Na ako ‘yung spoiled than my brother. Kaya akala ng mom ko, ‘pag nagpunta ako ng US, OK ang future ko,” patuloy niya.
Umalis umano ng Pilipinas ang kaniyang ama nang maisampa na ang kaso. Hanggang ngayon, nakabinbin ang arrest warrant laban sa kaniyang ama.
“‘Yung case na finile namin, it took a lot of years. Ang daming dilemma na nangyari. But good thing, nag-push through siya and 2020 ata or 21 ‘yun natapos nung na-filean na ng warrant of arrest ‘yung dad ko,” paglalahad niya.
Sa kabila nito, handa naman si Angeli na patawarin ang kaniyang ama.
“There will be judgment. Kung hindi man siya ma-judge dito sa mundo. And I believe in God. There will always be judgment,” aniya.— FRJ, GMA Integrated News