Isang SUV na minamaneho umano ng driver na galing sa gimikan ang nag-counterflow sa EDSA Busway at may nakasalubong na bus na malapit sa Guadalupe station.
Sa ulat ni Sandra Aguinaldo sa GMA News 24 Oras nitong Lunes, sinabing nangyari ang insidente nitong Linggo ng madaling araw.
“Siguro bago siya umatras po ano eh mga two minutes pa siguro bago siya umatras po eh. Parang gusto niya, ibig sabihin niya parang kami pa siguro 'yung may mali,” ayon sa bus driver na si Ace Babina.
Ayon sa konduktor ng bus na si Regelio Ferolino Dayday, nasa100 metro ang inatrasan ng SUV at tinatayang inabot ng 15 minuto.
“Mga 15 minutes po ma’am, hindi siya marunong umatras. Minsan naga-gutter siya. Yung mga pasahero, yung iba nagalit na kasi male-late na sila eh,” ayon pa kay Dayday
Isang bus at isang ambulansiya rin ang naapektuhan ng ginawa ng SUV.
Rumesponde naman ang mga tauhan ng Inter-Agency Council For Traffic Task Force, at inamin umano ng driver na nakainom siya.
“Itong may-ari ng sasakyan nagsabi na galing siyang gimik, medyo nakainom po siguro ito. And based on info that we were able to gather, lumagpas po siya sa pupuntahan niya which is going BGC kung saan siya umuuwi, Nagulat siya lumampas siya so he saw an open barrier which napagkamalan niyang U-turn slot going back to Guadalupe,” ayon kay MMDA Special Operations Strike Force Officer-in-Charge Gabriel Go.
May multang P5,000 sa mga driver na papasok sa EDSA busway sa unang paglabag. May umiiral ding batas laban sa pagmamaneho ng lasing.
Ayon sa Department of Transportation, bukod sa mga awtorisadong mga bus, pinapayagan din na dumaan sa EDSA bus way ang mga emergency vehicles, sasakyan ng Philippine National Police, at ilang matataas na opisyal ng gobyerno.--FRJ, GMA Integrated News