Inilahad ni Barbie Forteza na isang aktor ang kaniyang naging first kiss sa lips pero aksidente lang umano ang pangyayari. Sino naman kaya ang masuwerteng aktor?
“Siyempre ang sarap sa pakiramdam, kasi ‘yung time na siyempre nagliligawan kayo, ‘yun na ‘yung ini-imagine mo eh, ano kaya ang magiging first kiss, paano kaya? Kailan kaya ang perfect moment na gawin ‘yun?” kuwento ni Barbie sa episode ng It’s Showtime nitong Miyerkoles, patungkol kay Jak Roberto na nanliligaw pa lang sa kaniya noon at hindi pa niya nobyo ang aktors.
BASAHIN: Vice Ganda, na-in love noon at naging first kiss ang kaniyang best friend
Ikinuwento ni Barbie kung paano nangyari ang kanilang aksidenteng first kiss.
“Bumaba ako ng kotse tapos parang magma-maneuver siya. Bebeso sana ako, beso lang po, tapos siya, palikod siya, titingnan niya ‘yung likod tapos nag-swak lang ‘yung [lips] namin. Tapos nagkatinginan lang kaming ganiyan,” saad niya.
Natatawang pang sabi ng aktres, “Hindi ko alam kung… Kasi noong time, hindi pa po kami noon, date date pa lang. Eh ako hindi ako nagpapa-first kiss na hindi kami. Noong time na ‘yun natigilan din ako na ‘Oh shucks! So, tayo na ba?’”
Very apologetic naman at panay ang paghingi ng paumanhi ni Jak sa nangyari.
“Natawa talaga siya. Sabi niya ‘Ay sorry, sorry,’ gumaganu’n siya sa akin. Nag-sorry siya kasi kinabahan siya,” natatawang sabi pa ni Barbie.
Bukod sa first kiss, hindi rin malimutan ni Barbie ng kanilang mga reaksyon pagkatapos.
“Tsaka ‘yung reaction after, ‘yun ang hinihintay mo eh, ‘yung reaction mo after the kiss. ‘itutuloy ba natin ‘yung relasyon or nagustuhan ba? Will this go further. Doon mo malalaman eh, sa first kiss,” patuloy niya.
Sa episode ng Fast Talk with Boy Abunda, inihayag ni Barbie na napag-uusapan na nila ng kaniyang nobyo na si Jak ang kasal.
Naging magkasintahan sina Barbie at Jak noong Mayo 19, 2017. -- FRJ, GMA Integrated News