Inilahad ni Vice Ganda at binalikan ang panahon nang ma-in love siya noon sa kaniyang best friend, na kaniya ring naging first kiss.

Sa episode ng “It’s Showtime” nitong Miyerkoles, tinanong ni Jhong Hilario si Vice tungkol sa kaniyang karanasan sa first kiss.

“Na-in love ako sa best friend ko dati,” pagsisimula ni Vice.

Ayon sa It’s Showtime host, pareho na silang may nararamdaman sa isa’t isa ng kaniyang best friend.

“Nag-outing kami. Noong magkatabi, ang hirap sa pakiramdam, ‘yung hindi mo alam kung ano ang magiging reaction, para kang may inaabangan. ‘Yung best friend ko, alam niyang may feelings ako sa kaniya,” saad ng TV host.

Noong nagka-edad na lamang sila nagkalinawan tungkol sa kanilang mga nararamdaman sa isa’t isa.

“Nag-usap kami noong matanda na kami. At that time, hindi niya rin maintindihan kung ano ang nararamdaman niya sa akin. Parang sobra niya akong na-appreciate. Swak na swak kami, pero lagi nga ang tanong niya lagi, ‘Paano ‘yun, eh hindi naman ako bakla?’” pagpapatuloy ni Vice.

Kumpara sa panahon ngayon na mas mulat na ang mga tao tungkol sa gender identity, sinabi ni Vice na hindi pa eksaktong matukoy noon ng kaniyang best friend kung paano aaksyunan ang namamagitan sa kanila.

“Kasi siyempre ‘di ba dati may ganu’n, noong hindi pa tayo masyadong nakakaunawa. Kapag pumatol sa bakla, bakla. Hindi pa natin alam ang pagkaka-iba-iba ng gender identity," sabi pa ni Vice.

“‘Okay lang ba ‘yun?’ Nakuwento niya sa isang kakilala namin, ‘Parang meron akong nararamdaman, eh hindi naman ako bakla.’ Hindi niya naiintindihan,” dagdag pa niya. “Noong mga panahon na sobra akong nag-iisip at nag-aabang, ganu’n din pala siya. Inaabangan niya kung ano ang gagawin ko.”

Hindi naman maiwasan ni Vice na mag-overthink matapos ang nangyari.

“Isip ka nang isip ano ang ibig sabihin nu’n? Pagkatapos ba nu’n ano ang iaarte niyo kapag nagkita kayo ulit? Pag-uusapan niyo ba ‘yung halik na ‘yun o kung ano ‘yung nangyari sa inyo noong gabi na ‘yon? May bearing ba ‘yun o dapat kalimutan lang? May issue na ba kayo after nu’n? Meron ba kayong dapat ituloy? Meron ba kayong dapat i-formalize o i-officialize after noon?,” pagbahagi niya sa naturang karanasan.

Masakit din daw para kay Vice kung hindi nila pag-uusapan ang kanilang feelings sa isa’t isa.

“Kapag hindi pinag-usapan tapos walang nangyari, parang ang sakit. ‘Yung naiiwan ka sa sarili mo ang dami mong tanong. Totoo palang nangyari ‘yon, tapos hindi mo alam kung paano mo i-o-open. Tapos ikukuwento mo pa sa ibang kaibigan mo, mauunawaan ba ng mga kaibigan mo? O baka ikuwento sa kaniya tapos kapag nalaman niya, sasabihin pinagkakalat ko. Tapos kapag nalaman niyang ipinagkakalat ko baka mag-iba ‘yung damdamin niya sa ‘yo. Paano kung lumayo siya? Paano kung gusto ko pa, pero ayaw na niya?,” patuloy ng TV host.

May asawa na ngayon si Vice na kapuwa niya host sa "It's Showtime" na si Ion Perez.

Isinagawa nina Vice at Ion ang isang commitment ceremony na isang non-legal wedding sa The Little Vegas Chapel sa Nevada, USA noong 2021. -- FRJ, GMA Integrated News