Isang dambuhalang pusit na umaabot ng 15 talampakan ang haba, o mas malaki pa sa dalawang tao ang bumulaga sa mga mangingisda sa Negros Occidental. Ano kaya ang ginawa nila sa pusit at bakit 'di raw ito kaiga-igayang kainin?
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood ang video ng pagtambad ng dambuhalang pusit sa tabi ng bangka ng grupo ng mangingisdang si Nicol John Entia.
Base sa tantiya ni Entia, nasa 50 kilo ang bigat ng higanteng pusit. Ito na umano ang pinakamalaking pusit na nakita ng mga mangingisda sa lugar.
Hindi na hinuli ng grupo ni Entia ang nakita nilang giant squid sa dagat.
Pagkatapos nila itong makunan ng video, agad din nilang pinakawalan sa dagat ang pusit.
Kabilang ang mga giant squid-- na tulad ng nakunan sa video--sa mga pinakamalalaking invertebrates sa mundo na posibleng umabot ng hanggang 43 talampakan.
Inilahad ng mga eksperto na hindi nakakain ang giant squid dahil may taglay silang mataas na concentration ng ammonium chloride sa kanilang katawan, na nakatutulong sa kanilang paglangoy, na nagbibigay ng lasa ng bulok na karne.
Ayon naman sa isang netizen, maaari pa ring pakinabangan ang tinta ng giant squid at puwede pang ilako sa merkado. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News