Sa isang kasalang-bayan sa Narra, Palawan, tatlong magkakaanak ang nagpalista para magpakasal. At mula noon, sunod-sunod na problema na umano ang dumating sa kanilang buhay, at bigla pang pumanaw ang isa nilang mahal sa buhay. Dahil nga ba ito sa matandang paniniwala na malas ang "sukob" sa kasal?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing nasa 100 pares ang ikinasal sa kasalang-bayan na ginawa sa bayan ng Narra sa Palawan. Kabilang sa mga ikinasal sina Charlet at Bonifacio, na 10 taon nang nagsasama.
Dahil libre at wala na silang gagastusin, sinamantala na nila ang kasalang-bayan.
Pero bukod kina Charlet at Bonifacio, nagpakasal din sa naturang kasalang-bayan ang anak sa pagkadalaga ni Charlet na si Charlie, at ang kapatid pa niya na si Jaypee.
Si Charlie, ikinasal kay Brenda, habang kay Cherry naman ikinasal si Jaypee.
Bago pa man daw ang araw ng kasal, may mga aberya nang nangyari sa magkakaanak. Si Bonifacio, nahirapan daw maghanap na sukat na singsing, at naaksidente pa ang mag-asawa sa motorsiklo.
Sa araw ng kanilang kasal, muntik pang hindi umabot sa kasal ang tatlong bride dahil sa tagal ng pag-aayos.
Ngunit bukod pa sa paniniwalang malas ang sukob sa kasal, may isa pa umanong pamahiin sa kasal na nilabag ang asawa ni Charlie na si Brenda nang nagsukat ito ng wedding gown bago ang araw ng kasal.
Nang matapos ang kasal, nagtuloy-tuloy umano ang hindi magandang pangyayari sa magkakaanak. Si Charlie, away ang sumalubong matapos ang kasal nang hamunin ng kaniyang kapatid na lasing.
Kinabukasan, kinuha naman ni Charlie ang kaniyang motorsiklo na iniwan niya sa pinagdausan ng kasal. Pero habang nasa biyahe papauwi, naaksidente at nagtamo siya nang malaking sugat sa ulo.
Ang pinakamalaking dagok sa kanila, nang sumama ang pakiramdam ng ina ni Charlet dahil sa high blood na nangyari apat na araw lang matapos ang kasal.
Isinugod nila sa ospital ang ina ni Charlet pero binawaian din ng buhay pagkaraan ng ilang araw dahil may pumutok na ugat sa ulo.
Si Brenda, naniniwala na totoo ang sukob nila sa kasal na siyang dahilan ng sunod-sunod na problemang dumarating sa kanilang pamilya.
Kung alam umano ni Charlie ang tungkol sa pamahiin na sukob, hindi raw sana siya sasabay na magpakasal sa kaniyang ina.
Sa kabila ng lahat, naniniwala si Charlet na nagsakripisyo na ang kaniyang namayapang ina, at sinalo ang sinasabing sukob nila sa kasal.
Ngunit totoo nga ba talaga ang matandang paniniwala sa sukob sa kasal? Alamin ang paliwanag ng isang Anthropologist at isang alagad ng Simbahang Katolika. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News