Inihayag ni Priscilla Meirelles na “deeply shocked and disheartened” siya sa inilabas na pahayag ng kaniyang estranged husband na si John Estrada.

Sa Instagram Stories ni Priscilla, sinabi ng Miss Earth 2004 queen na wala silang "mutual agreement" sa nangyaring hiwalayan nila ng aktor.

"We were married when I left the Philippines and we remain married as of this time," ayon kay Priscilla, na umuwi sa Brazil, kasama ang anak nila ni John.

"While there is indeed more to this story, it is not the appropriate time to delve into those details. Regardless of what those may be, however, it won't change the course of faith," dagdag niya.

Nagpahayag din ng pasasalamat si Priscilla sa suporta at pagmamahal na kaniyang natatanggap.

“I trust that, in due course, all will be resolved appropriately. Thank you for your understanding,” patuloy niya.

Ang naturang post ni Priscilla ay sagot sa Instagram Story ni John nitong Martes na nagsasaad na, “Priscilla and I have mutually agreed to take a break for quite some time now."

Sa naturang post, nilinaw din ni John na wala silang relasyon ng isang Lily Hallman, na tinukoy ni Priscilla na kasama umano ng kaniyang mister sa Boracay.

Binatikos din ng aktor at nagbabala na ihahabla ang netizen na nasa likod ng pekeng post na ginagamit ang kaniyang pangalan.

Taong 2011 nang ikasal sina John at Priscilla at mayroon silang isang anak na babae na isinilang noong 2012. —FRJ, GMA Integrated News