Mula nang isilang ang bunso niyang anak na lalaki na 16-anyos na ngayon, naging malayo na ang kalooban ng ama sa binatilyo. At nang makumpirma niya sa DNA test na tama ang kaniyang hinala, may nakagugulat siyang ginawa na ikinabigla rin ng kaniyang pamilya. Alamin kung ano ito.

Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," napag-alaman na halos isang dekada nang mag-isang nabubuhay ang padre de pamilya na si Dexter, hindi niya tunay na pangalan.

Iniwan kasi siya ng kaniyang asawa at mga anak dahil sa kaniya raw pagmamalupit at pananakit sa kaniyang misis na si "Mary", 'di rin tunay na pangalan. Hindi rin kasi kinikilala ni Dexter na anak ang bunso nila na itinago sa pangalang "Mark".

Noon pa man, sinabi ni Mary na seloso si Dexter na madalas humantong sa pananakit sa kaniya.

Iginigiit naman ni Dexter na may dahilan kung bakit niya nasaktan si Mary.

Ngunit ang lamat sa relasyon ng mag-asawa, lalong lumala noong 2006 nang mabuntis si Mary.

Pinagdudahan ito ni Dexter dahil hindi naman daw niya sinisipingan noon ang kaniyang asawa. Bagay na itinanggi naman ng ginang, at sinabing sinisipingan siya ng mister kapag nalalasing ito.

Ang pinaghihinalaan ni Dexter na tunay na ama ni Mark, ang kapitbahay nila, na minsan daw nakita niya na nanggaling sa kanilang bahay, na itinanggi rin ito ni Mary.

Ang tinutukoy umanong kapitbahay na pinagseselosan ni Dexter ay amo ni Mary sa paglalaba.

Nang maisilang na si Mark, wala raw naramdaman si Dexter na lukso ng dugo. Kaya naman naging malayo ang kalooban niya sa kanilang bunso.

Dahil hindi na matiis ni Mary ang ginagawa ni Dexter kay Mark, at nag-aalala rin na posibleng gawin ng kaniyang asawa, hiniwalayan niya ito noong 2009.

Si Mark, 16-anyos na ngayon at uhaw pa rin sa kalinga at pagmamahal ng isang ama. Para sa kaniya, marami silang pagkakahawig ng kaniyang amang si Dexter.

Noong 2020, bumalik sa Iligan si Mary kasama ang mga anak. Sinubukan naman Mark na gumawa ng paraan upang mapalapit sa ama pero wala pa ring pagbabago.

Kahit ang mga nakatatandang kapatid ni Mark, nasasaktan sa ginagawang pagtrato ng kanilang ama sa kanilang bunso.

At para magkaalaman na at matuldukan ang mga pagdududa ng kanilang ama, lumapit sila sa "KMJS" upang magpatulong na maisailalim sa DNA test ang mag-amang Dexter at Mark.

Si Mark, payag din sa DNA test para magkaroon na raw siya ng kapanatagan ng kalooban.

Nang lumabas ang resulta ng DNA test, pinagharap-harap sina Dexter at Mary, kasama si Mark at kaniyang mga kapatid.

Pero dito na rin nakumpirma na totoo ang matagal nang hinala ni Dexter na hindi niya talaga anak si Mark.

At nang malaman ang resulta ng DNA test, may hindi inaasahan na ginawa ni Dexter kay Mark na tila ikinabigla din ng kaniyang pamilya? Tunghayan sa video ang nakagugulat na ending ng kuwentong ito sa "KMJS." Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News