Nababalot ng pangamba ngayon ang mga residente ng isang barangay sa Tondo, Maynila dahil sa sunod-sunod na pagkamatay ng mga tao sa kanilang lugar, na umabot umano sa anim sa loob lang ng isang buwan. Dahil nga ba ito sa matandang paniniwala tungkol sa kamatayan na tinatawag na "sundo."
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” binalikan ang pagpanaw ng tatlong-taong-gulang na si Kurt Castillo sa Barangay 215, na nasalpok ng isang van matapos niyang tumawid ng kalsada.
Sinundan ito ng pagpanaw ng 12-anyos na batang si Princess, nang maatrasan naman ng isang sasakyan bandang 2 a.m.
Napag-alamang nagpa-practice driving ang nagmamaneho ng sasakyan nang mangyari ang insidente.
Noon namang Hunyo 22, nasawi rin ang isang taga-Barangay 215 na si Mark Magno, isang delivery rider, matapos masagasaan ng isang bus na nagkaproblema umano sa preso sa Commonwealth Avenue sa Quezon City.
Ang mga labi ni Mark, ibinurol ilang metro lang ang layo mula sa lamay ng batang si Princess.
“Since kasi noong pagkabata ako, may mga usap-usapan kasi na may ibang nakakatanda na napapansin silang tao na naka-itim daw po, ‘yung parang naghahatak siya ng ataul, Kung ilan ‘yung hatak na ataol, ‘yun din ang taong mawawala,” ayon sa barangay tanod na si Arman Ascano.
“Naniniwala kasi tayo sa konsepto ng kabilang buhay. Mula dito sa mundo ng mga nabubuhay, may mga supernatural beings na naghahatid ng kaluluwa natin mula dito patungo sa kabilang buhay,” sabi ni Rob Pastera, Intangible Cultural Heritage Researcher.
Matapos ang mga insidente ng pagkamatay ng mga residente, pinabendisyunan ng pamunuan ng Barangay 215 ang mga nasasakupan ng kanilang barangay.
Ngunit noong Hulyo 1, may bago na naman umanong sinundo sa barangay, na isang-taong-gulang na si Baby Cynthia.
Ayon sa ina nitong si Cristine Astor, mahimbing ang ang tulog nilang mag-ina noong Hunyo 30. Ngunit nang magising siya at nakita ang anak, wala na itong buhay.
Sinubukan pa ng amang si John Lloyd Benitez na i-revive ang anak pero hindi na kinaya ng bata.
Alamin ang paliwanag ng lokal na pamahalaan tungkol sa mga ginagawa nilang hakbang para maiwasan ang mga aksidente sa kanilang lugar. Panoorin ang buong kuwento sa video.--FRJ, GMA Integrated News