Naranasan mo na bang hanapin ang iyong salamin sa mata na nakasabit lang pala sa ulo mo? O kaya naman ay nagpunta ka sa kusina pero hindi mo alam kung bakit? Kailan nga ba masasabing normal lang o dapat magpatingin na sa doktor ang isang tao na nagiging makakalimutin na? Alamin.
Sa programang "Unang Hirit," ipinaliwanag ni Dr. Pearl Angeli Diamante, isang Adult Neurologist, na lahat ng edad, maging ang mga kabataan at middle age ay maaaring makaranas ng pagkalimot.
BALIKAN: Tips ni Mareng Winnie Monsod para huwag maging makakalimutin
Gayunman, nagiging karaniwan daw ang pagiging makakalimutin sa mga nagkaka-edad dahil na rin sa mga nakikitang problema sa kalusugan kapag tumatanda na.
Sa bahagi ng utak, mas naapektuhan ang memorya ng tao kapag napinsala ang bahagi na tinatawag na prefrontal cortex, na nasa harapan ng utak, at ang hippocampus, na nasa loob at bahaging ibaba ng utak.
Ayon kay Dr. Diamante, hindi dapat mabahala kung paminsan-minsan lang o paisa-isa kung nakakaranas ng pagkalimot. Ngunit kung nagiging madalas na at lumalala na, maaaring nagiging kondisyon na ito na dapat isangguni sa duktor.
Isa pang indikasyon na dapat mabahala ay kung may nakakalimutan ang isa tao na maaaring magdulot ng disgrasya gaya nang may naiiwang nakasalang na lutuin o naiwan na bukas ang kalan.
Tungkol sa mga taong nakakalimutan ang pangalan ng mga taong nakikilala, sinabi ni Dr. Diamante na normal lang o puwede pa kung paminsan-minsan lang makita ang taong nakasalamuha kaya hindi na matandaan ang pangalan.
Pero ibang usapan at hindi na maganda kung ang taong kakilala ay kamag-anak at matagal nang kasama pero hindi pa rin maalala ang pangalan.
Sinabi rin ng doktor na unang nawawala sa alaala o memorya ng isang tao sa kanilang pagtanda ang mga recent o bagong pangyayari.
Kaya sa mga kaso ng mga taong nagkaka-edad na at nagsisimula nang makalimot, mas una nilang nakakalimutan ang mga mas bagong nangyari sa kanilang buhay kasya mga ginawa nila noong kanilang kabataaan.
Para maiwasan ang pagiging makakalimutan o manatiling matalas ang memorya, tunghayan sa video ang ilang tips ni Dr. Diamante tungkol sa mga laro na dapat gawin at anong uri ng mga pagkain ang dapat isama sa diet. Panoorin.--FRJ, GMA Integrated News