Inanunsyo ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos nitong Lunes na may nakalaang P10 milyong pabuya sa sino mang makapagbibigay ng impormasyon sa kinaroroonan ni Pastor Apollo Quiboloy para siya madakip.
“Gusto ko pong i-anunsyo sa mga nanonood at nakikinig na meron tayong mga kaibigang gustong tumulong sa paghahanap sa kanila at nag-o-offer ng reward ng P10 million for any information leading to the arrest of Pastor Quiboloy,” ayon kay Abalos sa isang press conference.
Nagsimulang magtago si Quiboloy, lider ng Kingdom of Jesus Christ, mula nang maglabas ng arrest warrant ang korte para sa kinakaharap niyang mga kaso ng child prostitution, sexual abuse, and other acts of neglect, abuse, cruelty or exploitation and other conditions prejudicial to the child's development.
Noong nakaraang buwan, sinalakay ng mga awtoridad ang KOJC compound, ang Prayer Mountain, at Glory Mountain sa Barangay Tamayong, Davao City, at isa pang ari-arian ng KOJC sa Kitbog, Sarangani Province, para isilbi ang arrest warrant laban kay Quiboloy pero hindi siya nakita.
Kinondena ng KOJC ang naturang pagsalakay na ilegal umano.
Naunang itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang laban sa kaniya.
Wanted din si Quiboloy sa US Federal Bureau of Investigation (FBI) dahil sa mga alegasyon na "labor trafficking scheme that brought church members to the United States, via fraudulently obtained visas, and forced the members to solicit donations for a bogus charity, donations that actually were used to finance church operations and the lavish lifestyles of its leaders." —mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ, GMA Integrated News