Gumanti umano ng muriatic acid ang isang rider na sinasabing nainis sa ginawang pambabasa sa kaniya sa “Wattah Wattah” festival sa San Juan City noong June 24.

Sa ulat ni Jun Veneracion sa GMA News “24 Oras” nitong Huwebes, sinabing inaresto ang naturang lalaki dahil may nasabuyan na isang lalaki sa mata na nanonood lang umano sa tradisyunal na basaan na ginagawa taun-taon.

“Nilublob ko yung mukha ko sa balde para maano lang yung hapdi at sakit ng mata ko. Medyo iba yung paningin ko parang medyo malabo,” ayon sa biktimang nasabuyan ng muriatic acid.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na dati na umanong nababasa at nasasaktan ang suspek kaya nagdala na asido.

“Yung mga past years ng festival ay nababasa siya, nasasaktan. So parang naghanda na siya if ever... gumanti,” ayon kay San Juan City Police chief Coronel Francis Allan Reglos.

Inaresto ang rider at sinampahan ng reklamong physical injury. Pero nakalaya rin matapos na magpiyansa.

Samantala, humingi rin ng paumanhin si San Juan City Mayor Francis Zamora sa nangyaring kaguluhan at "nabiktima" sa nagdaang kapistahan.

Handa raw tumulong ang lokal na pamahalaan sa mga taong nais magsampa ng reklamo.

Sa ilalim ng City Ordinance No. 51, series of 201,  ang mga manggugulo sa kapistahan ay pagmumultahin ng P2,500 hanggang P5,000, at puwedeng makulong ng anim na araw.

Hindi rin inaalis ni Zamora na baka may nanabotahe sa kanilang kapistahan.

“I’m not categorically saying may sabotage, but I’m also not ruling it out,” ayon sa alkalde. --FRJ, GMA Integrated News