Pinasaya nang husto ng isang aso ang kaniyang furmom sa Chile nang kagatin niya ang isang pustiso. Samantala, isang dentista rin sa Brazil ang hindi napigilan matawa nang ipa-adjust ng isang pasyente ang braces nito sa "ngipin," na pustiso pala.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang isang aso sa Curico, Chile, na tila nakangisi dahil sa pustiso ng kagat niya.
Ang naturang pustiso, pag-aari pala ng ina ng kaniyang furmom na tawang-tawa sa hitsura ng kaniyang alaga.
Pero hindi doon nagtatapos ang pagpapasaya sa kanila ng aso dahil bigla nitong isinubo ang pustiso pero hindi naman niya tuluyang nilunok.
Dahil sa insidente, napilitan ang lola na magpalit na lang ng pustiso. Habang ang luma niyang pustiso, naging laruan na lang ng aso.
Sa Brazil, nagpunta sa isang kuwarto ang isang dentista at ang kaniyang assistant para doon ilabas ang pagtawa dahil sa pagyente niyang nagpapa-adjust ng brace na nakakabit pala sa pustiso.
Nagpunta sa kuwarto ang dentista para hindi ma-offend ang pasyente dahil hindi na niya mapigilan ang tumawa.
Paliwanag ng dentista, sa tunay na ngipin lang inilalagay ang braces at hindi ito umuubra sa pustiso dahil ang tunay na ngipin lang ang na-a-adjust.
Ipinaliwanag na rin naman daw ng dentista sa pasyente ang tungkol sa gamit ng brace.--FRJ, GMA Integrated News