Pumanaw sa edad na 36 ang visual artist, creative director at podcaster na si CJ de Silva-Ong. Unang nakilala si CJ nang makasama siya sa mga Promil Gifted Child noong 1990s.
Sa Facebook post ng kaniyang kabiyak na si Wincy Ong, inihayag niya na dalawang beses nakaranas ng stroke si CJ sa ICU bago binawian ng buhay.
“She fought to the very end,” sabi ni Wincy. “She was a loving wife to me, a loving cat-mom to our cats Andres and Max, and a loving daughter to her parents and uncle.”
Ayon kay Wincy, mahal na mahal ni CJ ang advertising industry at inilarawan niya ito na isang "passionate" executive creative director.
“She used her talents in illustration and painting in championing causes close to heart,” sabi ng nagluluksang si Wincy.
Nitong nakaraang linggo nang makaranas ng aneurysm si CJ. Sa FB post, humingi noon ng dasal si Wincy dahil hindi umano naging matagumpay ang isinagawang coiling surgery at sasailalim muli siya sa ibang operasyon.
Ayon kay Wincy, aalalahanin niya ang kaniyang kabiyak na si CJ "for the kindness she brought to people."
Inimbitahan ni Wincy ang kanilang mga kaibigan "to celebrate her 36 amazing years here on this planet by filling it with things that made her happy--music, conversations, coffee, and good food."
Ilalagak ang mga labi ni CJ sa Heritage Park sa Taguig City mula June 20 hanggang June 22. Isasagawa naman ang cremation service sa June 23, Linggo.— FRJ, GMA Integrated News