Inihayag ni Teresa Loyzaga na siya ang nagpadala sa anak niyang si Diego sa rehab facility dahil sa drug abuse. Dahil sa nangyari, hindi umano maiwasan ng aktres na sisisihin ang kaniyang sarili.
Sa episode ng "Fast Talk With Boy Abunda" nitong Lunes, ibinahagi ni Teresa ang ugnayan nila ng anak nila ni Cesar Montano na si Diego, at ang naging desisyon niyang ipasok ito sa rehab facility.
"There was a part of me that died, but I wanted my son to live. So I had to put him on rehab," ani Teresa.
Ayon pa sa aktres, nagalit sa kaniya si Diego dahil sa kaniyang naging desisyon.
"He wasn't himself then. We have to understand na 'yung mga mahal natin sa buhay kapagka-nalulong sa droga, 'pag kinakausap mo sila at binabastos ka nila, hindi sila 'yon," paliwanag niya.
Nang maging maayos na ang lahat, bumalik na si Diego at maunawaan din kung bakit kailangan siyang ipasok sa facility.
Sa walong buwan ni Diego sa rehab, sinabi ni Teresa na binibisita niya ang anak pero hindi nalalaman ng aktor.
"Hindi rin niya alam is bumibisita ako lagi sa kaniya, kahit na bawal kami magkita. That was a part of his punishment for him to learn, to appreciate home, family," paliwanag ni Teresa.
"Napapanood ko siya sa isang maliit na monitor. Kung nasaan siya sa loob, kung kumakain siya. Nagpapadala ako ng pagkain," dagdag niya.
Ayon pa kay Teresa, may pagkakataon na may tarpaulin sa pagitan nila ng anak para makalapit siya rito.
"May butas 'yong tarpaulin. Sabi sa akin, 'you have to promise na tatahimik ka, hindi ka magpaparamdam.' Sabi ko 'promise, gusto ko lang talaga makalapit.' Pagitan lang namin tarpaulin, nakasilip lang ako sa butas para makita ang anak ko. Ang hirap," patuloy ng aktres.
Sa nakaraang panayam sa "Fast Talk with Boy Abunda," sinabi ni Diego na binago ng rehab ang kaniyang buhay sa magandang paraan.
"I was very, very depressed. I was on the brink of [being] suicidal and I will not deny that substances had a part to play with my mental state," ani Diego na aminadong walang naidulot na mabuti sa kaniya ang droga.
Ibinahagi rin ni Diego ang naging karanasan niya sa loob ng rehab facility.
"It affected also with being an actor. Like I said, hindi ako iyakin na tao. Pero ngayon, kung balikan ko 'yung isang araw ko dun sa loob ng rehab, naiiyak talaga ko. It was so difficult," saad niya.
"It was eight months until I saw the moon, it was eight months until I got to see the sun," sabi pa ni Diego.
Ngayon, isa nang ama si Diego sa kaniyang anak na si Hailey, na nagdiwang ng first birthday nitong Mayo. —FRJ, GMA Integrated News