Natangayan ng P350,000 at $90 na pera ang dalawang turistang Koreano matapos nilang ilapag ang kanilang mga bag at masalisihan ng mga kawatan sa Cebu City.
Sa ulat ng GMA Regional TV, sinabing namamasyal ang dalawang turista sa Barangay Busay noong Sabado, at nilapag ang kanilang mga bag dahil abala sila sa pagkuha ng mga larawan.
Ilang saglit lang, isang lalaking nakabag ang lumapit sa puwesto ng mga Koreano at sa mga nilapag na bag ng mga ito.
Pagkakuha ng tiyempo, mabilis na pinulot ng lalaki ang isa sa mga bag ng mga turista bago tumakas.
Sinabi ng Cebu City Police na may pitong kasabwat ang lalaking kawatan at tumakas sakay ang dalawang taxi.
Nakabalik na ang dalawang Koreano sa Korea.
Patuloy ang pag-iimbestiga sa insidente. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News