Patay ang isang suspek habang sugatan ang apat na operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) matapos humantong sa engkuwentro ang isinagawang buy-bust operation sa Barangay San Antonio, Parañaque.

Sa ulat ng Super Radio DZBB, na iniulat din sa Unang Balita nitong Huwebes, sinabing naganap ang insidente nitong Miyerkoles, na nagresulta rin sa pagkakaaresto sa tatlong pang suspek.

Nakuha rin sa mga suspek ang dalawang baril at apat na kilo ng pinaniniwalaang shabu na nagkakahalaga ng P27 milyon, ayon sa ulat.

Hindi nagbigay ng pahayag ang mga suspek.

Sa inilabas na pahayag ng PDEA, tinukoy na ang nasawing suspek na si "Sady," 32-anyos.
Habang ang mga nadakip na suspek ay sina “Lala,” 26; "Allan," 34; at "Binny," 23.

Nagpapagaling naman sa ospital ang apat na PDEA agents na nasugatan sa naturang operasyon.

Ayon pa sa PDEA, umabot sa kabuuang 4.2 kilograms ang nakuhang hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P28.56 milyon.

Mahaharap sa kaukulang kaso ang mga naarestong suspek, kasama na ang possession and sale of illegal drugs sa ilalim ng Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ayon sa PDEA. -- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News