Nakunan sa camera ang mala-Spider-man na paglambitin ng isang lalaki sa pader para magnakaw umano ng linya ng kuryente sa Antipolo, Rizal. Ang menor de edad niyang kasamahan, nahuli.

Sa ulat ni EJ Gomez sa Balitanghali nitong Huwebes, mapanonood sa video ang paglambitin ng lalaki sa pader ng isang creek sa Soliven Avenue pasado 7 a.m. ng Miyerkoles sa Barangay Mayamot.

May subo pang pliers ang lalaki habang nakakapit siya sa alulod ng bubong. Nakunan din ang kasabwat umano niyang menor de edad.

Hindi natinag ang lalaki nang unang beses siyang sitahin ng nagvi-video. Bago tumakas, pinutol ng lalaki ang wire.

Ayon sa saksing si Vincent Manuel Villaseñor, inakala niyang nag-aayos lang ng linya ng kuryente ang dalawang lalaki.

“Nakita ko 'yung mama. Sabi ko bakit ang aga nito na nagkukumpuni ng wire ng kapitbahay ko. Sabi ko hindi yata naka-uniporme 'yung tao. So that was the time na I grabbed my cellphone and then kinunan ko ng video. Before going down, before jumping off, pinutol nila uli 'yung wire. So sabi ko, babalikan nila ‘to,” sabi ni Villaseñor.

Sapul din sa video na lumabas mula sa creek ang menor de edad na nagsilbing lookout at ang 21-anyos na naglambitin na lalaki.

Nahagip din sa CCTV ng barangay ang paglalakad ng dalawang suspek.

May pagkakataon pa na nakausap pa ng mismong presidente ng Homeowners Association sa subdivision ang isa sa mga suspek.

“Dahil nga markado na siya sa subdivision, tinanong ko pa siya. Sabi ko, ‘Saan ka na naman galing? Ba't nandito ka sa loob ng subdivision?’ Sabi niya, ‘Meron lang akong tiningnan na gagawin ko doon pres,” sabi ni Sonny Borromeo, Presidente ng Greenheights Newtown Subdivision Homeowners Association.

Dati na umanong gawain ng dalawa na mangangalakal at magnanakaw umano ng mga linya ng kuryente sa mga bahay sa creek.

Natunton ang hideout ng mga suspek sa isinagawang follow-up operation ng mga awtoridad, at nakita rin ang mga foil na ginagamit sa ilegal na droga.

Nadakip na ng mga awtoridad ang lalaking menor de edad pasado 1 a.m. ng Huwebes, habang patuloy na hinahanap ang lalaking nag-ala-Spider-Man.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News