Ibinahagi ni "Igan" Arnold Clavio ang naranasan niyang health scare kamakailan, na una niyang naramdaman habang nagmamaneho ng sasakyan.
Sa kaniyang Instagram post, sinabi ni Arnold na papauwi na siya galing sa paglalaro ng golf noong June 11 nang may kakaiba siyang naramdaman sa kanang bahagi ng kaniyang katawan na "matinding pamamanhid sa kanang braso at binti."
"'Di ko na rin maramdaman ang pag-apak sa pedal ng gas at brake," patuloy niya.
Sandali umano siyang tumigil sa isang gas station para suriin ang kaniyang sarili.
"Papunta ng restroom, hindi na ako makalakad. Kailangan ko na may mahawakan," sabi pa ni Igan.
Tiningnan niya kung lumaylay ang kaniyang mukha o may pamamaga sa kaniyang mata, na palatandaan ng stroke, batay sa Medical News Today.
Nang wala siyang nakita sa mukha, muling sumakay ng kotse si Igan para pumunta sa pinakamalapit na ospital.
Pero ayon Kapuso broadcast journalist, hindi naging madali sa kaniyang kondisyon ang magmaneho pababa mula sa Antipolo .
Sa Fatima University Medical Center nagtungo si Igan at kaagad na sinuri.
"Lumitaw na ang blood pressure (BP) ko ay nasa 220/120 at ang blood sugar ko ay umabot ng 270," kuwento niya.
Nang ipa-CT Scan siya, lumitaw na may "slight bleeding" umano sa kaliwang bahagi ng kaniyang utak.
"At sa oras na 'yon, ako ay nagkaroon na ng ‘HEMORRHAGIC STROKE’!," saad niya.
Ayon kay Arnold, inilipat siya sa St. Lukes Hospital sa Metro Manila para lalo pang maobserbahan.
"Agad akong inasikaso sa ER ng kanilang brain attack team at dinala sa Acute Stroke Unit ng ospital para ganap na bantayan ang aking BP at sugar," sabi niya.
Sa post, inihayag ni Arnold ang pasasalamat sa tinawag niyang "miracle" sa kaniyang buhay.
"Thank you Lord. I personally experienced your MIRACLE," ayon kay Arnold.
Ibinahagi rin niya ang aral na kaniyang natutunan sa naging karanasan.
"ARAL: Feeling OK does not mean your OK. Feeling good does not mean we’re good. Listen to your body. Traydor ang hypertension! Always check your BP," paalala niya.
— FRJ, GMA Integrated News