Inilahad ng sikat na vlogger na si Rosmar ang kaniyang paghanga kay Diwata na isa na ngayong matagumpay negosyante dahil "paresan." Katunayan, kay Diwata niya nakuha ang inspirasyon para simulan ang sarili niyang pares business.
Sa GMA show na Unang Hirit nitong Huwebes, ibinahagi ni Rosmar kung paano sila nagsimulang mag-usap ni Diwata.
“Naka-follow siya sa akin. Ngayon dahil nga nakikita ko ‘yung pares, natatakam ako. Finollow (follow) back ko siya tapos nag-comment ako sa kaniya. Kasi ang dami niyang bashers talaga na namba-bash sa kaniya na kesyo raw nasa bangketa lang daw, madumi raw,” sabi ni Rosmar.
“Pinagtatanggol ko talaga siya sa bashers, sinasabi ko na huwag nilang i-bash. Hindi naman porke’t nandoon eh madumi na. Depende naman ‘yan sa food preparation,” pagpapatuloy niya.
“Nag-comment ako sa kaniya sa post niya na ‘Magpakatatag ka, deadma lang sa bashers. Ipagpatuloy mo lang ‘yan,” sabi pa ni Rosmar kay Diwata.
Matapos mag-comment ni Rosmar, nag-video naman si Diwata na sinabing idolo nito si Rosmar at maaari siyang kumain sa paresan nito. Nag-trending ito na umabot ng may isang milyong views.
“Doon ko naramdaman na totoong tao siya. Pinapakita pa niya sa staff niya, ‘Tingnan niyo nag-comment si Ma’am Rosmar.’ Natuwa ako, sobra,” sabi ni Rosmar.
Sinagot din ni Rosmar ang puna ng ilan niyang bashers na ginaya niya umano ang paresan ni Diwata.
“Before pa man, matagal na po ako sa food business, 2016 pa, meron na po akong complete set ng pagpapares, meron na akong stainless na lutuan. Kumpleto, may mga kaldero. Pero noong sabi ko kasi, ang hirap palang lutuin ng beef dahil ang tagal niyang lumambot. Kaya noong nakita ko talaga ‘yung video ni Diwata, ‘Ah, puwede palang karne tapos tsitsarong bulaklak,’” kuwento niya.
Nakita ni Rosmar ang saya ni Diwata sa negosyo nito kahit na maliit ang kita.
“Nag-chat ako sa kaniya sabi ko, ‘Hindi ka ba roon lugi?’ Sabi niya sa akin ‘Maliit lang ‘yung kinikita pero ang importante maraming nabibigyan ng trabaho. Tapos kumikita naman kahit paano,’” sabi pa ni Rosmar.
Dahil dito, naisip ni Rosmar na simulan din ang sarili niyang negosyong paresan.
“Doon ako na-inspired, ‘Ay puwede pala ‘yun.’ Tapos tinanong ko pa siya ‘Momshie ano ‘yung karneng ginagamit mo? Pork talaga ‘yun?’ Naiisipan ko rin sana na mag-open din ako ng ganiyan.’ Sabi niya ‘Sige ma’am, push.’ Gumano’n talaga siya sa akin. Kaya hindi ko maintindihan ‘yung bashers dahil sinasabi na ginaya ko raw,” paglalahad pa ng vlogger.
Depensa pa ni Rosmar, lahat ng tao ay maaaring magkaroon ng sariling negosyo.
“Sa totoo lang, ang daming nagko-comment, sinasabi nila na hindi naman si Diwata ang unang unang nagpares. Lahat naman daw ng tao ay may karapatang mag-business ng pares,” ani Rosmar.
“Aminado talaga ako na ‘yung idea ng unli-rice na may softdrinks, ginagamit na karne, na-inspired talaga ako sa kaniya, pero hindi para kompitensyahin siya,” sabi pa ni Rosmar.
Tulad ni Diwata, masaya rin si Rosmar sa kaniyang extra income mula sa paresan, na dagdag sa kaniyang skincare brand.
“Ako talaga ang daming expenses, puro bayarin. Masaya lang ako na ang dami kong trabahador na nabibigyan ng trabaho and mga tao na gipit na nakakakain ng murang pagkain na quality ‘yung serving, malinis and masarap. Ang mahal na kasi ng foods ngayon,” sabi ni Rosmar. -- FRJ, GMA Integrated News