May mga kababaihan pa rin na nakararanas ng kalupitan at pananakit mula sa kamay ng mga lalaki na kanilang pinagkatiwalaan at minahal.
Sa inilabas na National Demographic and Health Survey na isinagawa ng Philippine Statistics Authority noong 2022, lumalabas na 17.5% ng mga Pinay na edad 15 hanggang 49 ang nakararanas ng “any form of physical, sexual, and emotional violence” mula sa kani-kanilang partner.
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” tatlong babae ang nagkuwento ng pinagdaanan nilang pananakit mula sa kani-kanilang kinakasama.
Si “Chari,” 'di niya tunay na pangalan, na mula sa San Jose del Monte City sa Bulacan, sinabing sinasaktan siya ng kaniyang asawa kapag lasing. Maging ang kanilang anak na lalaki, hindi rin nakaliligtas sa pananakit ng kanilang padre de pamilya.
Ipinadakip nila ang mister sa kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and Their Children Act. Pansamantala namang nakalaya ang lalaki matapos maglagak ng piyansa na P60,000.
Kinalaunan, sinuyo silang muli ng kanilang padre de pamilya na nangakong magbabago na at muling nagsama.
Binalikan din ng KMJS si "Celia," ang babae sa Zamboanga del Norte na muntik nang mamamatay dahil sa pananaga ng kaniyang kinakasama na si "Ben."
“Hindi ko makalimutan ‘yun. Kaya minsan nga kapag naalala ko ‘yung dati kong mukha tapos ngayon parang mapaiyak ako. Minsan nga matutulog ako dalawang oras lang. Hindi ako makatulog kasi minsan itong loob ba ng gums sumasakit,” kuwento ni Celia kaugnay sa sugat na tinamo niya sa pisngi.
Hanggang ngayon, nakakulong pa rin Ben at wala umanong balak si Celia na iurong ang demanda.
Samantala, 17-anyos naman na itinago sa pangalang "Mary" na mula sa Camarines Norte nang mabuntis ng kaniyang nobyo na si “Dexter,” 'di niya tunay na pangalan.
Dahil sa pagbubuntis, nagsama na ang dalawa bilang mag-asawa. Doon na natuklasan ni Mary na may mga bisyo si Dexter gaya ng pag-inom at ilegal na droga.
Ito ang dahilan ng madalas nilang pag-aaway na nauuwi sa pananakit sa kaniya.
“Pinagsusuntok niya ako sa katawan. Sinabunutan niya ako. Kinaladkad niya ako mula sa kabilang kuwarto sa kabila,” ani Mary.
Kahit na buntis, hindi umano nakakaligtas si Mary sa pananakit ni Dexter.
“Nakita niya ‘yung ex ko. Nag-walk out ako pauwi. Hinawakan niya ako sa braso, hinatak. Nagpupumiglas ako. Ginawa niya kinagat niya ako sa magkabilang braso,” kuwento niya.
Nang hindi na niya kaya ang pananakit ng asawa, umalis na si Mary sa kanilang pagsasama at dinala niya ang kanilang mga anak.
“Pabor na pabor ako sa divorce. Kapag na-divorce na ako, ‘yung sarili ko para sa akin lang. Hindi niya na sa akin puwedeng ibato na ‘Asawa kita, akin ka lang,’ ani Mary.
Nitong nakaraang buwan ng Mayo, ipinasa ng Kamara de Representantes sa huli at ikatlong pagbasa ang panukalang batas para magkaroon ng diborsiyo sa Pilipinas.
Ayon sa grupong Gabriela, nakakaalarma ang pagtaas ng karahasan laban sa kababaihan.
“Very alarming ‘yung trend ngayon ng pagtaaas ng violence against women. Majority kasi ng mga victim ay mga nasa bahay na walang mga trabahong mga kababaihan at the same time, wala silang pang-ekonomiyang pinagkukunan nu’ng kanilang pang-araw-araw na pamumuhay so nakadepende sila sa kanilang asawa nandun din ‘yung kawalan ng kumpiyansa ng mga kababaihang kumawala sa masakit at mapang-aping relasyon ng mag-asawa,” paliwanag ni KJ Catequista ng Gabriela Women's Party.
Sa ngayon, ang Pilipinas at Vatican City ang mga bansa na walang diborsiyo.
Ayon kay Rev. Fr. Jerome Secillano ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, hindi kailangan sa bansa ang diborsiyo.
“Ang divorce, hindi na naman kailangan. Unang-una dahil mayroon naman tayong mga legal processes na tumutugon sa paghihiwalay ng mga mag-asawa,” paliwanag niya.
“Mayroon tayong annulment, mayroon tayong legal separation. Sa simbahan mayroon din liberation of marriage. Palagay ko ang dapat gawin nila dito repormahan para at least maibigay talaga sa mga couples na irregular na ang unions, dysfunctional na ‘yung kanilang pagsasama. Makapaghiwalay nga talaga nang maayos,” patuloy niya.
Pero ayon kay Atty. Virginia Viray mula sa UPD Gender Law & Policy Program, hindi sapat ang mga kasalukuyang batas tungkol sa pang-aabuso ng legal na asawa.
“Ang mga batas natin tulad ng annulment at legal separation, kulang na kulang para protektahan at pakawalan ang ating mga naaabusong asawa. It will allow ang mga naaabusong mga asawa na makapagbagong buhay, at iwanan na ‘yung sasabihin nating mala-impyernong relasyon nila,” sabi ni Viray.
Sa mga kailangan ng tulong tungkol sa mga isyu ng kababaihan at child care, maaaring makipag-ugnayan sa mga sumusunod na hotlines:
PNP WOMEN AND CHILDREN PROTECTION CENTRE
0919-777-7377 / (02) 8532-6690
PHILIPPINE COMMISSION ON WOMEN
8735-1654 loc.123, 124
0917-867-1907 / 0945-455-8121
COUNCIL FOR THE WELFARE OF CHILDREN
8374-3552 / 8461-6620
8366-1910 / 8461-6553
—FRJ, GMA Integrated News