Matinding pagsisisi ang inabot ng isang lalaki na suspendido ang driver's license sa Michigan, USA nang dumalo siya sa kaniyang kaso via Zoom habang nagmamaneho. Tuloy, nabisto siya ng hukom.
Sa video na ipinalabas sa GMA Integrated Newsfeed, kaagad na napansin ni Judge Cedric Simpson ang akusado na si Corey Harris na nasa loob ng sasakyan kaya tinanong niya kung nagmamaneho ito.
Ayon kay Harris, na napilitang itigil ang kaniyang sasakyan, papunta raw siya sa duktor nang sandaling iyon, na pag-amin na nagmamaneho nga siya.
Tila hindi kaagad nakapaniwala ang hukom sa pangyayari kaya tinanong niya ang isang partisipante sa pagdinig kung tama ba na ang kasong dinidinig niya ay kaso ni Harris na may kaugnay sa suspendido nitong lisensya sa pagmamaneho.
Nang makumpirma na tama ang kaniyang sinabi, hirit ni judge, "And he was just driving and he didn't have a license."
Napag-alaman na pansamantalang nakalalaya si Harris dahil sa piyansa at humihirit sana ang kaniyang abogado na ipagpalipan pa sana ng apat na linggo ang pagdinig sa kaso niya.
Pero dahil sa nabisto ni Judge Simpson, kinansela niya ang piyansa ni Harris at inutusan ito na magpunta sa pulisya nang araw din iyon para madetine.
Nang madinig ni Harris ang sinabi ng hukom, napa- "Oh my God," na lang siya sa kaniyang ginawang kapalpakan. --FRJ, GMA Integrated News