Mahirap mang hulihin dahil sa kanilang ligsi at dulas, wala pa ring kawala ang mga palos o igat sa mga taong pursigido silang makuha mula sa mga ilog. Ang ilan sa kanila, kaya raw humaba ng anim na talampakan o kasing-laki ng tao.
Sa isang episode ng Born To Be Wild, nakilala si Ronald Enot, na nanghuhuli ng palos sa ilog ng Boncod sa Cavite.
Kasama sa kaniyang gamit sa panghuhuli ng mga palos ang mga palaka na ginagamit niyang pain.
Ayon sa host ng programa na si Doc Ferds Recio, bukod sa palaka, kasama rin sa mga pagkain ng mga palos o igat ang mga isdang maliliit at talangka.
Pero ang mga nahuhuling palos ni Ronald sa ilog ng Boncod, nasa dalawa hanggang tatlong talampakan lang ang haba ng bawat isa.
Sa kabila nito, masaya siya dahil dagdag-kita para sa kaniyang pamilya ang perang napagbebentahan niya ng mga palos.
Ang ilang eksperto, natutuwa na may nahuhuling palos sa Cavite na hindi umano karaniwan noon.
Gayunman, hindi naman daw nakapagtataka na may mabuhay na palos o igat sa ilog ng Boncod dahil isa ito sa pinakamalinis na ilog sa lalawigan.
Ang mga dambuhalang palos o igat na kayang lumaki ng anim na talampakan at bumigat ng hanggang 20 kilo, nahuhuli naman sa katabi nitong lalawigan ng Laguna.
Gaya ng mga huli na ipinakita sa video ng Edward Ordonez, na halos kasing-laki na niya ang hawak niyang palos.
Hinala ng mga eksperto, maaaring galing sa dagat ang mga palos na napupunta sa ilog.
Ang ilang nanghuhuli ng palos gaya sa Albay, batid naman ang kahalagahan ng mga fresh water ill sa kalikasan kaya nililimitahan nila ang paghuli sa mga malalaki lang.
Ang mga mahuhuli nila na wala pang isang kilo ang timbang, pinakakawalan nila upang lumaki pa at posibleng makapagparami.
Bukod kasi sa pagiging pagkain ng mga tao, may malaking ambag din sa pangangalaga sa kalikasan, partikular sa ilog ang mga palos o igat. Alamin sa video kung ano ang mga ito. Panoorin. --FRJ, GMA Integrated News