Mala-death defying stunts sa pelikula ang modus ng tatlong kawatan na sakay ng isang motorsiklo sa India. Binuntutan nila ang isang umaandar na truck na may kargamento, na kinalaunan ay sinampahan ng dalawang kawatan. Ang pagbabalik nila sa motorsiklo, lalong makapigil-hininga.
Sa ulat ng GMA Integrated Newsfeed, mapapanood sa video na isang malaking sako na may laman ang nahulog mula sa truck habang nakabuntot ang motorsiklo sa Agra-Mumbai National Highway sa India.
Hindi tumigil ang rider at patuloy na sinundan ang truck para makuha ang dalawa niyang kasamahan na naghulog ng sako.
Maya-maya pa, bumaba na ang isang looter mula sa umaandar na truck habang nakakapit sa nakatakip na lona ng sasakyan patungo sa nakabuntot na motorsiklo.
Nang makalipat na sa motorsiklo ang isang kawatan, ang isa namang kasamahan nila ang sumunod at makikita ang pagyugyog ng motorsiklo nang makalipat ang ikatlo nitong sakay.
Nang makababa ang mga magnanakaw, tumigil ang motorsiklo saka nila binalikan ang mga produktong itinapon nila mula sa kalsada.
Isang motorista naman ang bumusina sa truck at ipinaalam sa driver nito ang nangyaring pagnanakaw sa kaniyang kargamento na hindi nabanggit kung ano ang laman ng sako.
Walang mga impormasyon mula sa lokal na ulat kung ano ang ginawang ng driver ng truck, ngunit wala umanong naisampang police report kaugnay sa insidente.
Samantala, isang rider naman ang hinuli sa gilid ng highway matapos silang maglampungan umano ng nobya sa gitna ng biyahe.
Agad itong ini-report ng mga motorista kaya sila naharang ng pulisya.
Hindi na nadetine ang kaniyang rider at nobya, ngunit kinumpiska ng pulisya ang motorsiklo.-- Jamil Santos/FRJ, GMA Integrated News