Inihalal ng mga senador nitong Lunes ang kanilang kasamahan na si Francis "Chiz" Escudero bilang bagong Senate President, kapalit ng "heartbroken" na si Juan Miguel Zubiri, na iginiit na prinotektahan niya ang pagiging independent ng Senado.

Matapos ang talumpati ni Zubiri para ihayag ang kaniyang pagbibitiw bilang lider ng Senado, iminungkahi ni Sen. Alan Peter Cayetano sa plenaryo si Escudero na maging bago nilang lider, na sinang-ayunan naman ng mayorya.

Ginawa ni Escudero ang panunumpa bilang bagong Senate President kay Sen. Mark Villar, na siya namang pinakabatang miyembro ng kapulungan.

Kasama ni Escudero sa panunumpa ang kaniyang asawa na si Heart Evangelista.

Sa kaniyang pahayag matapos ang oath-taking, pinasalamatan ni Escudero si Zubiri sa pagmamahal nito sa bayan at sa Senado bilang isang institusyon.

"My hats off to you, Senate President Zubiri. I salute you and I hope I will make you proud. You especially among all our other colleagues and hopefully, you will not leave my side whenever I ask for guidance, whenever I ask for help and whenever I ask for your wisdom. Mas malayo po at mas marami kayong alam sa akin lalo na bilang taga-pangulo ng Senado," ayon kay Escudero.

Tiniyak ni Escudero na walang mangyayaring pagkakahati-hati sa Senado sa kabila ng pagbabago sa liderato.

"Walang my team, walang your team para sa akin. Walang SP Migz, wala ring Chiz para sa akin. Ang tingin ko sa bawat isa sa atin ay mga miyembro ng nag-iisang Senado. At kung may kulay man tayong dadalhin, para sa akin, ang mga kulay na yan ay dapat sumasagisag as bandila ng Pilipinas na nagkataon lamang na nasa likod at nasa harap natin ngayon," dagdag niya.

'Nakakalungkot'

Sa panayam ni Nimfa Ravelo sa Super Radyo dzBB, hindi itinanggi ni Zubiri ang lungkot sa pagkakatanggal sa kaniya bilang lider ng Senado.

"Yes. Well, nakakalungkot," pagkumpirma niya sa pagpalit sa kaniya ni Escudero. "Ginawa ko lahat para protektahan ang independensya ng Senado pero ganon talaga ang pulitika. Wala tayong magagawa."

Tila nagpahiwatig din si Zubiri tungkol sa dahilan ng pagpapalit ng liderato ng Senado.

"Well, alam mo I've been protecting the independence ng institution. Siguro merong ayaw ng ganon at gusto nila ay maging ano lang po tayo sunud-sunuran," dagdag niya.

Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Zubiri na "heartbroken" siya sa nangyari pero patuloy niyang susuportahan ang pagiging independent ng Senado.

"Siyempre heartbroken. Alam mo naman hindi naman tayo kalaban ng the powers that lead. Pero siguro dahil not following instructions, kaya nadale tayo. But I will always continue to remain in support of the independence of the Senate and I will now give my valedictory speech... It is my distinct honor and pleasure to have served the Filipino people as Senate President," patuloy niya.

Sa kaniyang valedictory speech, sinabi ni Zubiri na magiging independent member siya sa Senado.

"I have given this job my all...Today, I offer my resignation as Senate President of the Republic of the Philippines, and upon stepping down I vow to serve as an independent member of the Senate—my allegiance, as ever, belonging to no one but the people," ani Zubiri sa kaniyang talumpati.

"I have never dictated my position to any of you, and I always supported your independence—which is probably why I face my demise today. I failed to follow instructions from the powers that be," dagdag pa niya.

"We have been a staunchly independent Senate. Let me say that again, we have been a staunchly independent Senate holding strong against all threats against our institution, and against threats to the very foundation of democracy on which our nation is built," sabi pa ni Zubiri.—mula sa ulat ni Hana Bordey/FRJ, GMA Integrated News