Isang "mausyosong" pusa ang pumasok sa isang kahon nang hindi nalalaman ng kaniyang amo. Ang kahon, ipinadala sa isang bodega ng Amazon sa Amerika kasama ang ilang pares ng sapatos.
Iniulat sa Agence France-Presse, na laking pagtataka ni Carrie Clark nang biglang naglaho sa kanilang bahay sa Utah noong Abril 10, ang kaniyang alagang pusa na si "Galena."
Hinanap niya ito sa kanilang komunidad at naglagay pa ng mga poster para sa "nawawala" niyang alaga.
Pero pagkaraan ng isang linggo, isang beterinaryo mula sa Los Angeles ang nakipag-ugnayan sa kaniya at ipinaalam na nadiskubre sa isang kahon, kasama ang ilang piraso ng boots ang kaniyang pusa.
Ang empleyado sa bodega ng Amazon ang nakakita sa pusa.
"I ran to tell my husband that Galena was found and we broke down upon realizing that she must have jumped into an oversized box that we shipped out the previous Wednesday," sabi ni Clark sa KSL TV sa Salt Lake City.
"The box was a 'try before you buy,' and filled with steel-toed work boots," dagdag niya.
Kaagad na lumipad si Clark at kaniyang mister sa Los Angeles, at nakilala ang Amazon employee na si Brandy Hunter na nakakita kay Galena.
Anim na araw sa loob ng kahon si Galena bago siya nakalabas.
Medyo gutom at uhaw umano ang pusa pero maayos naman ang kaniyang kalusugan.
"I could tell she belonged to someone by the way she was behaving," sabi ni Hunter, ayon sa Amazon.
"I took her home that night and went to the vet the next day to have her checked for a microchip, and the rest is history," saad ni Clark.— ulat mula sa AFP/FRJ, GMA Integrated News