Ikinamangha ng mga netizen ang ginawa ng mga goldfish na tila may malasakit sa isa nilang kasamahan na naipit at nakulong sa mga bato sa isang creek sa China.
Sa video ng GMA Integrated Newsfeed, makikita ang grupo ng mga goldfish na sa unang tingin ay tila naglalaro lang o nagkakagulo sa pagkain na malapit sa mga batuhan.
Pero nang umalis ang mga goldfish, tumambad ang isang goldfish na nasa loob ng mga batuhan na tila nakulong.
Ang grupo ng mga goldfish, muling bumabalik sa batuhan at mistulang pinagtutulungan na itulak ang isang bato para makawala ang kanilang kasama.
Gayunman, hindi sapat ang kanilang puwersa para matanggal ang nakaharang na bato.
Isang bata umano ang unang nakapansin sa tila bayanihan ng mga goldfish. Ipinagbigay-alam niya ito sa isang staff sa lugar.
Ang naturang staff, pinagmasdan muna ang ginagawa ng mga isda sa pagsagip sa kanilang kasamahan.
Pero nang mapansin ng staff na hindi talaga kaya ng mga goldfish na maitulak ang bato, kumilos na siya para mapakawalan ng nakulong na goldfish.
Nang matanggal na ang bato at nakawala ang naipit na goldfish, kaagad na pumunta ang isda sa kaniyang mga kasamahan.-- FRJ, GMA Integrated News