Pagkasilang pa lang, napansin na kaagad ng mga magulang ng batang si Jaren na hindi normal ang kapal ng kaniyang buhok at mga balahibo sa mukha at katawan. Bakit nga kaya nagkaganito ang bata? May kinalaman kaya rito ang pinaglihian ng kaniyang ina at maaari kayang ipaalis pa ang kaniyang balahibo?
Sa nakaraang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho," sinabing mahigit isang-taong-gulang na si Jeran, na anak kina Alma at Brendo, na mula sa Conner sa lalawigan ng Apayao.
Sa kabila ng kondisyon ni Jeran, itinuturing nila itong suwerte dahil kahit papaano ay gumaan daw ang kanilang buhay at madalas silang manalo sa tinatayaan nilang "ending."
Maging ang mga kapitbahay nila, madalas na pinupuntahan si Jeran sa hangarin na maambunan din ng suwerte na mula sa bata.
Dahil sa makapal na buhok at balahibo ni Jeran sa katawan, mas mainit din ang kaniyang pakiramdam lalo na ngayon panahon ng tag-init.
Ang hinala ni Alma, may kinalaman ang naging hitsura ni Jeran sa paglilihi niya noon sa wildcat na musang na kaniya pang tinikman nang lutuin.
Sa ilalim ng Republic Act 9147, o Wildlife Resources Conservation and Protection Act, kabilang ang mga musang sa ipinagbabawal na hulihin at kainin. Pero hindi raw alam noon ni Alma ang tungkol sa naturang batas.
Ayon pa kina Alma, ginugupitan nila noon ang makapal na balahibo ng anak. Pero ilang araw lang, bumabalik din ang buhok at lalo pang kumakapal kaya itinigil na rin nila.
Hangad sana nila na maalis ang balahibo ni Jeran sa mukha at katawan upang hindi ma-bully ang bata sa sandaling mag-aral na siya.
Sinamahan ng "KMJS" team na madala sa dermatologist si Jeran upang malaman ang kondisyon ng makapal na balahibo ng bata.
Dito na nalaman na may pambihirang kondisyon si Jeran na Congenital Hypertrichosis, o tinatawag ding Werewolf Sydrome.
May solusyon pa kaya upang maalis ang labis o kapal ng tumutubong buhok o balahibo sa mukha at katawan ni Jeran? Tunghayan sa video ang buong kuwento. Alamin.-- FRJ, GMA Integrated News