Nakalulungkot ang sinapit ng dalawang bata sa Angeles City, Pampanga na nakitang patay sa loob ng isang nakaparadang kotse. Ano nga ba ang sinasabi sa batas patungkol sa pananagutan sa ganitong insidente? Alamin.
Wala nang buhay nang matagpuan noong nakaraang linggo sa loob ng isang nakaparadang kotse ang dalawang bata na magpinsan na edad dalawa at tatlo.
Sa kuha ng CCTV camera, nakita ang dalawang paslit na naglalaro sa tabi ng kotse dakong 9:00 am noong Biyernes.
Maya-maya pa, nagtungo sila sa passenger side ng kotse pero hindi na nakita kung paano sila nakapasok sa loob ng sasakyan.
Tumagal umano ng mahigit apat na oras bago natagpuan ang katawan ng dalawang bata nang hinahanap na sila ng kanilang mga kaanak.
Ayon sa pulisya, suffocation ang dahilan ng ikinamatay ng dalawang bata batay sa resulta ng awtopsiya.
Ngunit duda sa resulta ng awtopsiya ang mga kaanak ng mga bata at nais nilang makita ang buong kopya ng CCTV footage.
Sa segment na #AskAttyGaby, tinalakay ng Kapuso sa Batas na si Atty. Gaby Concepcion, kung sino ang posibleng may pananagutan sa sinapit ng dalawang bata.
Ang driver at may-ari kaya ng sasakyan dahil sa posibleng naiwan nila na hindi naka-lock ang pintuan ng kotse? O ang mga magulang ng mga bata dahil hinayaan silang maglaro sa kalsada ang mga paslit sa kabila ng kanilang murang edad?
Alamin sa video ang paliwanag ni Atty. Gaby kung ano ang nasasaad sa batas sa kaniyang pagtalakay sa naturang usapin. Panoorin. -- FRJ, GMA Integrated News