Hindi dapat maliitin ang mga pugo dahil malaki ang puwedeng kitain rito kapag ginawang negosyo. Ang isang 24-anyos na Gen Z, kumikita raw ng P5,000 kada araw sa pagbebenta ng mga itlog ng pugo.
Sa kuwentong Dapat Alam Mo! ni Mark Salazar, ipinakilala si Nikkie Espiritu, na may negosyong pagpaparami at pagbebenta ng itlog ng pugo.
“Ito pong business na ito is backyard pugo lang din siya. Pero once natutukan mo na siya, maganda naman po yung returns niya sa amin din pong mga startup, entrepreneur sa pugo business,” sabi ni Espiritu.
Matagal nang raketera si Espiritu. Kaya matapos makaipon ng P200,000 para sa puhunan, dito na niya inumpisahan ang negosyo sa pagpupugo.
Bukod dito, nagnenegosyo rin siya ng summer lock bags at naging influencer sa TikTok noong 2020.
Nangingitlog ang nasa 3,000 pugo na nasa mga kulungan na gawa sa net. Feeds ang ipinapakain ni Espiritu kaniyang mga alaga.
Dagdag ni Espiritu, dapat nasa tamang oras ang pagkain ng mga pugo para maging malusog sila at gumanda ang kanilang pagpupugo.
Lahing Japanese Taiwan ang pugong inaalagaan ni Espiritu, na kasama sa pamilya ng mga ground living birds tulad ng manok.
Kaya umano nilang mangitlog ng halos 300 itlog kada taon.
Maaari namang mapakinabangan ang kanilang dumi na puwedeng pampataba ng mga lupa na makakatulong sa kalikasan.
Umaabot ng 2,700 pirasong itlog ng pugo ang nakukuha ni Espiritu kada araw.
Naglalaman ang kada kahon nito ng 100 itlog at naibibenta niya ng P165 sa palengke. Kaya naman kumikita siya ng hindi bababa sa P5,000 kada araw.
Kayang mangitlog araw-araw ng pugo sa loob ng isang taon. Ngunit pagkalipas ng isang taon, unti-unti nang hihina ang pangingitlog nito.
Gayunman, hindi pa rin lugi dahil maaari pa ring ibenta ang karne ng pugo.
“Huwag matakot sumubok kasi ‘yung pagsubok na yan, ayan pala ‘yung magiging stepping stone niyo sa pag-asenso niyo sa buhay niyo,” sabi ni Espiritu.-- FRJ, GMA Integrated News