Arestado ang isang Pinoy na nagtatrabaho sa isang cruise ship sa Amerika dahil sa paglalagay ng mga hidden camera sa banyo ng kanilang mga guest-- na menor de edad ang iba.
Tinukoy batay sa court files na 34-anyos ang Pinoy na suspek, at nagtatrabaho bilang stateroom attendant sa Symphony of the Seas.
Inamin umano nito ang pagkakasala sa paglalagay ng mga hidden camera sa mga banyo.
Sa report ng kaniyang pagkakaaresto ng Broward County Sheriff's Office, napansin ng isang biktima na menor de edad ang hidden camera sa ilalim ng lababo ng banyo na nasa loob ng kuwarto.
Kaagad itong isinumbong ng biktima sa security personnel ng cruise ship.
Nang magsagawa ng imbestigasyon, nakita ng ship security ang pagpasok ng suspek sa kuwarto ng biktima.
Inaresto nila ang Pinoy at idinetine hanggang sa makarating sila sa pantalan ng Florida kung saan ipinaubaya na ang suspek sa mga pulis.
Nang suriin ng mga awtoridad ang electronic devices ng suspek, nakita rito ang ilang video na nakahubad ang ilang guest ng cruise ship, kabilang ang ilang menor de edad.
Sa imbestigasyon, inamin umano ng Pinoy ang paglalagay niya ng mga hidden camera sa mga banyo.
Nagtatago rin umano kung minsan sa ilalim ng kama ang suspek para mai-video ang ilang guest habang nagbibihis.
Nakadetine ang suspek sa Broward County Jail habang hinihintay ang kaniyang pagdinig sa korte para sa mga kasong six counts of video voyeurism, producing child pornography, at possessing child pornography. —mula sa ulat ni Dave Llavanes Jr./FRJ, GMA Integrated News