Isang 55-anyos na babae ang nasawi matapos siyang lingkisin ng isang 23 talampakang sawa sa Southeast Sulawesi sa Indonesia.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Martes, inilahad ng anak ng biktima na nagpaalam ang kaniyang ina na mamimitas ng gulay ngunit nabigo itong makabalik.
Kalaunan, nakita niya na lamang ang ina sa talahiban na sinusubukang kainin ng napakalaking sawa.
Kasama ang ilang kapitbahay, tinangka nilang tulungan ang kaniyang ina ngunit hindi sila nagtagumpay.
Sa kanilang galit, tinaga ng mga taga-roon ang sawa at napatay ito.
Binalaan ng mga awtoridad ang mga residente na mag-ingat dahil sa malaking populasyon ng sawa sa mga gubat ng Indonesia. — Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News