Isang lalaki ang kinuyog ng taumbayan matapos dukutin at i-hostage ang isang dalawang taong gulang na babae sa isang palengke sa Parañaque nitong Linggo.

Ang pulis na umaresto naman sa suspek, sugatan.

Sa kuha ng CCTV, nakita ang isang lalaki na biglang sinunggaban ang isa pang lalaki sa bahagi ng Barangay Don Galo.

Nakatakbo pa palayo ang lalaking sinunggaban, pero nakorner din siya ng mga tao at muli na naman siyang kinuyog.

Ayon sa pulisya, ito raw ang hostage taker, habang ang lalaki na unang sumunggab sa suspek ay isang pulis na naka-sibilyan.

Bago ang insidente, makikita pa sa CCTV video ang 43-anyos na suspek na pumasok sa Bulungan Public Market pasado alas dose ng tanghali.

Makalipas lang ang ilang segundo, bitbit na nito ang babaeng biktima na katabi noon ng kanyang magulang na taga-tiktik sa palengke.

Sinubukan pang pigilan ng mga tao ang suspek pero hindi sila gaanong makalapit dahil may nakatutok na kutsilyo sa biktima.

“Biglang napasugod dito 'yung tatay mismo ng bata at humingi po ng saklolo sa amin,” ani Police Lieutenant Mardizon Perie, team leader ng PNP Maritime Law Enforcement Team sa Parañaque City.

“Dala-dala kasi nila 'yung anak nila do'n. Biglang napadaan itong suspek at biglang tinangay 'yung anak nila,” dagdag niya.

Umabot sa mahigit isang oras bago tuluyang nasagip ni Patrolman Samuel Melad ang biktima sa bahagi na ng tulay ng Barangay Don Galo na mahigit isang kilometro ang layo mula sa palengke.

Sugatan ang pulis matapos niyang awatin ang mga gumugulpi sa suspek at makuha ang kutsilyo na nalaglag nito.

“Masaya kasi safe 'yung bata, kasi 'yun lang po talaga 'yung nasa isip ko, 'yung maligtas 'yung bata. Kasi nu'ng nasa tulay po, nasa isip ko, itatapon niya 'yung bata doon sa may dagat,” ani Melad.

Ayon sa pulisya, isang oras bago ang pagdukot sa biktima, isang lalaki ang tinangka pang i-hostage ng suspek pero masuwerte at lumaban noon ang lalaki.

Sa panayam ng GMA Integrated News sa suspek, sinabi nito na galing siya ng Samar at dalawang linggo pa lang siya sa Metro Manila.

Mamamasukan sana siya bilang construction worker pero balisa siya dahil naghiwalay sila ng kanyang asawa.

Nakapulot umano siya ng kutsilyo sa tabing-dagat.

Nagsisisi ang suspek at humingi ng tawag sa pamilya ng biktima.

“Siyempre, 'di ko gusto na maghiwalay kami ng asawa ko,” sabi ng suspek.

“Sobra, sir, ang pagsisisi ko,” dagdag niya.

Mahaharap ang suspek sa patong-patong na reklamo tulad ng illegal detention, child abuse, alarm and scandal at illegal possession of a bladed weapon.

Sumailalim naman sa assessment ang biktima kaugnay sa trauma na posibleng iniwan ng suspek.

“Kung maaari sana, iwanan na nila 'yung mga anak nila sa ano. Marami kasing puwedeng mangyari,” payo ni Perie. — BAP/KG, GMA Integrated News